Una sa Balita

Pambawi sa ‘na-ano’ joke; Sotto kumampi sa Solo Parents Act

By
0 2

Dahil sa kontrobersyal na “na-ano” joke ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, nabuhayan ang pagpapatibay sa panukalang amyendahan ang Solo Parents Welfare Act of 2000.

Sinuportahan ni Sotto ang pagpapatibay sa panukala matapos bumisita kanina sa kanyang opisina ang mga lider ng Federation of Solo Parents Luzviminda Inc. (FSPL)

Sa 24 miyembro ng Senado, si Sotto ang pinili ng grupo na lapitan dahil sa paniwala na malaki ang maitutulong nito sa pag-usad ng panukala.

Ang senador ay mayroong dalawang anak na single parent.

Ayon kay Carina Javier, presidente ng FSPL, sinabihan na niya ang kanilang mga miyembro na tigilan na ang bashing kay Sotto, bagkus ay makipagtulungan para maisabatas ang panukala.

“Sabi ko nga this is a good opportunity. Dati ang pintuan ganun lang hirap na hirap kaming pumasok. We’ve been advocating to have this law amended for the past 17 years,” wika ni Javier.

Sinabi ng grupo na “blessing in disguise” ang kontrobersyal na “na-ano” joke ni Sotto para mapansin ang amyenda sa Solo Parent Act.

Nangako naman si Sotto na isang working draft ng amendments sa Republic Act 8972 ang ilalabas niya sa susunod na linggo para maipasok ang mga kahilingan ng FPSL.

Bagamat hindi maipangako ng senador na maipapasa ito bago ang sine die adjournment sa Hunyo 2, kumpiyansa si Sotto na maipapasa ang Solo Parents bill pagsapit ng Disyembre.