Una sa Balita

Pambansang Kamao naging Pambansang Clown sa Senado

By
0 6,913

Tinaguriang ‘Pambansang Kamao’ si Senador Manny Pacquiao bilang pagkilala sa ga­ling niya sa larangan ng professional boxing, pero nang suungin niya ang politika at mapadpad sa Senado, marami ang nagsasabi na siya na ang Pambansang Clown.

Sa paghahangad ni Pacquiao na ipakita sa publiko na nagbago na siya kumpara noong mi­yembro siya ng Kamara, halos maging perfect ang attendance nito sa Senado, nakikihalo sa mga diskusyon sa committee hearing at sa mga debate sa plenary session.

Hindi man nakatapos ng kolehiyo, pinipilit ng 39-anyos na politiko mula sa South Cotabato at Saranggani na magsalita sa wikang Ingles subalit palagi itong sumasablay sa mga maling grammar.

Natatawa na tuloy ang marami, lalo na kung live sa telebisyon ang public hearing, dahil nakikita ang kahinaan ng senador.

Tulad na lang ng nangyari sa hearing ng ad inte­rim appointment ni da­ting Environment secretary Gina Lopez kung saan si Pacquiao ang tumatayong chair ng committee on environment and natural resources ng Commission on Appointments (CA).

“Nagmumukhang katawa-tawa si Pacquiao, dapat kasi nagta-Tagalog na lang siya,” komento ng isang Avic Santos.

Pinahirapan din ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Pacquiao sa pet bill nitong pag­likha ng Philippine Boxing Commission noong Marso 2017 dahil masyado na umanong abala ang Games and Amusement Board (GAB) sa iba pang sports kaya’t hindi matutukan ang kalagayan ng mga boksingero.

Dahil dito, tinangka ni Pacquiao na tapusin na ang debate at isalang na sa botohan ang kanyang pa­nukala, hindi alam na labag ito sa rules ng Senado.

“Mr. President, if the gentleman from Iloilo cannot be convinced or agree with my proposal to create a boxing commission, it is better to close this interpellations and let us – I mean we can do voting,” hamon ni Pacquiao.

“Mr. President, in the tradition of the Senate, there is no closure rule. Is the gentleman saying that we are now terminating the period of interpellations when we are just on page 2 of the bill?” tanong naman ni Drilon kung kaya’t umeksena na si Senate President Aquilino Pimentel at pinaatras si Pacquiao sa kanyang kagustuhan.

Sa madalas na pagpapahirap ni Drilon kay Pacquiao, dumating ang isang araw na sinabihan niya ang minority leader na makikipag-debate lang siya kung tatagal ito ng tatlong round.

Maging sa isinusulong na National Bible Day ni Pacquiao, sumablay din ang senador dahil siya na ang author, siya pa raw ang nagsusulong ng amendment sa panukala.