Una sa Balita

Pambansang badyet 2020

0 274

Tatapusin ng Kamara ngayong linggo ang deliberasyon sa panukalang pambansang badyet ng administras­yong Duterte para sa taong 2020. Umaabot sa P4.1 trilyon ang hinihingi ng Malacañang bilang gastusin ng gobyerno sa susunod na taon.

Mula nang maipasa ang batas na TRAIN at iba pang mga reporma sa pagbubuwis ng administrasyong Duterte, papalaking bahagi ng pambansang badyet ang nanggaga­ling sa mga ‘di tuwirang buwis na pinapataw sa mga produkto at serbisyo (tulad ng VAT, excise tax sa produktong petrolyo, ‘sin tax’ sa sigarilyo at inuming nakalalasing atbp.) sa halip na mga tuwirang buwis sa kita (income tax). Ibig sabihin, lumalaki ang porsiyento ng badyet na pinapasan ng mga mahirap habang lumiliit ang sa mayaman. Samantala, ilang mga tampok na proyektong imprastruktura ng prog­ramang Build, Build, Build ng administrasyon ang nakaasa sa pautang ng Tsina na may napakataas na interes (tulad ng Mindanao Railway at Subic-Clark Railway).

Tulad din ng mga nakaraang administrasyon, tinatalikuran ng panukalang badyet ang pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo.

Nakatuon sa mga pangangailangan ng mga dayuhang imbestor ang P1.123 trilyon ng prog­ramang Build, Build, Build, humihigop ng pondo para sa mga paaralan, ospital, pabahay, at iba pang serbisyong panlipunan na kailangang-kailangan ng mamamayan, habang lumilikha ng mga pagkakataon para sa pa­ngungurakot at katiwalian. Sa simula ng deliberasyon ng Kongreso sa panukalang badyet, nasiwalat sa publiko ang muling bangayan ng mga kongresista sa hatian ng mga proyektong pork barrel – sanhi ng pagkaantala ng pagpasa sa pambansang badyet para sa kasalukuyang taon na nagbunsod ng markadong pagbagal sa paglago ng ekonomiya. Sabi nga ni Gary V., ‘di na natuto.

Patuloy ang kakapusan ng pondo para sa edukasyon, kalusugan, at pabahay. Sa gitna ng pinakamalubhang epi­demya ng dengue sa kasaysayan ng bansa, may panukalang P6 bilyong bawas sa pondo ng Department of Health. Sa kabila ng pagsasabatas ng libreng edukasyon sa kolehiyo, may panukalang bawas din sa pondo ng Commission on Higher Education at maraming mga state universities and colleges. Binawasan ang pondo ng Department of Education para sa mga libro at kagamitan sa pagtuturo.

Habang ipinangako ni Pang. Duterte na magdudulot ng ‘kaunlaran’ ang kanyang panukalang badyet, hindi nito matutugunan ang paglikha ng disenteng trabaho para sa halos 10 milyong Pilipinong walang trabaho, ni ang paghango sa kahirapan ng higit 23 milyon nating kababayan. Higit pa ngang lalala, dahil sa patuloy na suporta ng administrasyon sa bagong Rice Tariffication Law, na nagpahintulot ng dalu­yong ng imported na bigas at pumawi ng mahigit 1.3 milyong trabaho sa sektor ng agrikultura.

Sa halip na kaunlaran, lalong palalakihin ng panukalang 2020 badyet ang agwat ng mayaman at mahirap sa ating lipunan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy