Mga Kwentong OFWs: Pamasko sa pauwing OFWs

By

Nasorpresa ang anim na overseas Filipino worker (OFWs) sa pagdating nila kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos silang mapili at manalo sa programa ng Deparment of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration  (OWWA) na “New Year’s OFW Salubong” na ginanap kamakalawa ng hapon.

Tulad ni Rafael dela Cruz Marasigan, 39-anyos, tubong Batangas, labing isang taong na siyang nagtatrabaho sa Abu Dhabi bilang helper, nagulat na lamang siya nang bumaba ng eroplano na isang babaeng taga-OWWA ang humila sa kanya sa isang sulok at kumausap.

“Natakot ako kung bakit ako hinila at kinausap ng babae akala ko kung anu na, sinabi niya sa aking nanalo daw ako ng halagang P50,000 sa OWWA. Nagulat ako at hindi ako makapaniwala doon sa sinabi sa aking nu’ng babae,” pahayag ni Marasigan.

Aniya, nasorpresa at napaiyak na lamang siya nang sabihan siya ng OWWA dahil malaking tulong sa kanya itong premyong P50,000 dahil sa namatay ang kanyang ina at kasalukuyan nakaburol sa Batangas.

Sinabi ni Marasigan na nag-emergency leave lamang siya dahil sa pagkamatay ng kanyang ina na may isang linggo na ang nakakaraang.

“Actually may nagsabi po sa akin sa Abu Dhabi na nanalo daw ako pero hindi nila sinabi kung ano ang napanalunan ako. Nasorpresa po ako talaga dito na po sa ating bansa na nanalo ako ng halagang P50,000, malaki pong maitutulong ito sa aking pamilya at sa paglilibing ng aking­ ina, nagpapasalamat po ako sa ating Pangulong Duterte at sa mga opisyal ng OWWA” ani pa ni Marasigan.

Maging si Jomily Siobal Naniong, 28, dalaga, tubong Pangasinan, tatlong taong caregiver sa bansang Taiwan, na magbabakasyon lamang ito sa Pilipinas.

Labis na nasiyahan si Naniong nang sabihin sa kanya ng isang nagngangalang Adriana Gregorio ng OWWA na may ibibigay silang regalo sa kanya.

“Sobrang saya po  nang sabihin sa akin ni Maam Andriana na may ibibigay daw po sila sa akin ng regalo at dinala nila ako sa isang malaking room sa NAIA na maraming din mga OFWs na naroroon at nagulat po ako nang iabot sa akin ni DOLE Secretary Silvestre Bello ang isang malaking telebisyon halos maiyak po ako at inakay ako ni Sir Bello,” pahayag ni Naniong.

Si Naniong ay umuwi dito sa Pilipinas upang makasama nito ang kanyang pamilya sa pagdiriwang ng Bagong taon, at isang linggo lamang ito mananatili sa bansa dahil hindi aniya niya puwedeng iwanan ng matagal ang kanyang inaa_lagaang matanda sa Taiwan.


Maging sina Jinarda Bonifacio Vagallon, Ina Marites Piz Hablado, Veronica Evangelista Fernandez at Antonio Rempillo Mendoza Jr. ay labis ang kanilang kagalakan matapos makatanggap din sila ng regalo na ibinigay ng DOLE at OWWA.

Masaya ang kanilang pagdating sa Pilipinas nang sorpresahin ng DOLE at OWWA ng regalo.

SHARE