Una sa Balita

Pamana ni Papa San Juan XXIII sa Simbahan

0 582

Bukas muling ipagdiriwang ng Simbahan ang Pista ni Papa San Juan XXIII, ‘The Good Pope.’ Sa ika-apat na taon gigugunita ng Iglesya ang kapistahan ng santo na nagpatawag ng Vatican II Council.

Taong 2014 lamang ginawang santo ng Simbahan si John XXIII. Sinasabing personal na paborito siya ni Pope Francis na bilib sa simpleng pinagmulan nito. Marami ang nakapansin na magkatulad ang dalawa sa estilo at ugali.

Ipinanganak si John XXIII (Angelo Giuseppe Roncalli) noong Nobyembre 25, 1881 sa isang mala­king pamilya. Bagama’t mahirap lang sila, nakatapos siya ng pag-aaral at naordenahang pari noong 1904. Nagsilbi siya bilang pribadong kalihim ng Obispo ng Bergamo at nagturo sa seminaryo.

Noong sumiklab ang digmaang pandaigdig, nagsilbi si Padre Roncalli bilang chaplain. Nang ma-discharge itinalaga siyang direktor ng ‘Society of the Propagation of the Faith’ sa Roma. World War II nang maordenahan siyang Obispo at nadestino sa Bulgaria, Turkey, Greece at Paris. Taong 1953 nang mahirang siyang ‘Patriarch of Venice’ hanggang sa hindi inaasahan, nahalal bilang Santo Papa noong 1958 sa edad na 77. kahalili ni Pope Pius XII. 

Si Papa Juan XXIII ang ika-262 Pope ng Simbahang Katolika. Inakala ng marami na siya’y magsisilbing ‘transistional Pope’ lamang ngunit namangha ang lahat sa ipinamalas niyang enerhiya at sigasig sa pagbabago – inilun­sad niya agad ang kauna-unahang ‘Synod of Bishops’ sa Roma, nirebisa ang ‘Canon Law’ at katulad ni Lolo Kiko dumalaw sa mga may sakit, mga dukha at mga nasa piitan sa paligid ng Roma. 

Pinakamahalagang pamana ni Pope John XXIII ang pagpapatawag ng isang pandaigdigang pagpupulong ng mga obispo upang gawing makabuluhan ang pagiging Katoliko sa gitna ng mga hamon ng maka­bagong mundo. Hindi niya planong baguhin ang nilalaman ng pananampalataya kundi gawing ‘relevant’ ito sa mga tao. Sa opening ceremony ng Vatican II saad ng Papa, ‘Let the winds of change blow into the Church!’ 

Last quarter ng 1962 nang ma-dignosed ang Butihing Papa ng Stage 4 colon cancer at pumanaw agad, wala pang isang taon noong Hunyo 3, 1963. Hindi na niya nakita ang pagtatapos ng Vatican II; gayunman, hanggang sa ngayon nabubuhay ang buong Simbahan sa ilalim ng diwa ng mga pagbabagong handog ng konsilyong inilunsad niya. Walang duda, isa si St. John XXIII sa mga hinaha­ngaang pinuno ng Ika-20 Siglo!

Tunay na napalapit si Juan XXIII sa puso ang mga tao sa buong mundo maging ng mga hindi Kristiyano. Sadyang nakakahawa nga ang kanyang init at nakakabilib ang pananaw sa mga isyu ng lipunan. Buong buhay niya’y inilaan upang ang Salita ng Diyos ay mapahalagahan. Ang kanyang pamumuno ay nabahiran ng kanyang kahanga-hangang pagkatao at ehemplo na patuloy na humihimok ang tanan sa pagbabago. 

Nawa mula sa la­ngit patuloy tayong ipagdasal at gabayan ng pinagpalang Papa upang maisakatuparan at totoong mai­sabuhay ang mensahe at hamon ng Vatican II alinsunod sa ipinamalas na katapangan at katapatan ni Papa Juan XXIII. Sa Saint Peter’s Basilica, Rome makikita ang hindi naaagnas na mga labi ng santo.