Una sa Balita

Pamamahayag

By ,
0 871

Kilala rin sila sa tawag na journa­list, peryodista, dyarista, media. Sila ang tagapaghatid natin ng balita.

Sa kanila tayo umaasa ng impormasyon buhat sa mahalagang pangyayari patungo sa atin. Sila ang nasa pagitan ng pangyayari at tayong nanonood sa telebisyon, nakikinig sa radyo, nagbabasa ng pahayagan.

Sila ang pumapagitna, ang literal na ibig sabihin ng medium o media buhat sa wikang Latin na medius o gitna. Sila ang pumapagitna o pumapagitan. Sila ang nalalagay sa delikadong sitwasyon. At kung pagbabatayan natin ang estadistika sa bansa natin, sila ang isa sa may pinakamapanganib na trabaho.

Pero hindi sila perpekto. Hindi masasabing sakdal linis ang kanilang hanay. Pero hindi nangangahulugang wala nang kredibilidad ang buong hanay nila. Hindi.

Nito lamang nagdaang araw, muli na namang tinalakay sa Senado ang isyu ng fake news at accountability sa mga nagpapakalat ng fake news lalo’t buhat ito sa matataas na opisyal ng pamahalaan na nagpapanggap na blogger.

May ilang lebel ng editing at pag-usisa sa detalye ang balita bago lumabas sa anumang medium: TV, dyaryo, radyo, internet.

Walang ganito sa personal na blog. Walang malinaw na pananagutan sa kamalian ng impormasyong madalas nilang inihahatid sa tagasubaybay nila lalo’t paninira ang kanilang pangunahing pakay.

Hindi dahilan ang pagiging ‘biased’ at bayaran ng ilang kasapi ng media para lahatin ang pagkuwestiyon sa kanilang integridad. Karamihan sa kanila ay tahasan pa ring may kinikilingan: kumikiling sa purong katotohanan.

Pansinin ninyo kasi na hindi ito madali, oo, itong paghahatid ng purong katotohanan. Sa paggamit pa lang ng sa­lita, wika nga, nagigin­g slanted na. Slanted o may pagkiling. Pero hindi nangangahulugang may pinapaboran na ang media o tagapagbalita komo may slant ang paraan nila ng pagpapahayag.

Halimbawa. Imbes na salitang ‘pagpatay’ gagamitin ang salitang ‘pinaslang’. Sa dalawang­ salita pa lamang na ito, mapapansin na ang pagbabago ng hagod ng pangyayari. Brutal ang salitang ‘pagpatay’. Parang walang dahas sa salitang ‘pagpaslang’.
***
Sa Sabado, Abril 7, dadalo ako sa Batch 1993 Silver Anniversary Alumni Homecoming ng Colegio de San Pascual Baylon (CSPB) sa Obando, Bulacan. Sa CSPB ko ginugol ang unang dalawang taon ng aking pag-aaral sa high school bago malipat sa kalapit na Valenzuela Municipal High School (Polo National High School ngayon).

Bagama’t hindi ako nagtapos sa CSPB, napakaraming karanasan ang natipon ko habang nag-aaral sa paaralan na nasa bayan kung saan lumaki ang aking ina. Naging malalalim na kaibigan ko ang mga naging ka-batch ko sa CSPB. Katunayan, sila ang nag-anyaya sa ­aking dumalo. Honorary classmate na raw ako.

Kaya sa kung sino man sa inyo ang nagtapos sa CSPB noong 1993 (opo, ganyan na katanda ang inyong lingkod) na hindi pa alam na may reunion sa Abril 7, makipag-ugnayan sa Facebook page na ito: https://web.facebook.com/groups/ 347851299868/