Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pamahalaang nakikinig

0 478

Sa simula ng pandemya hanggang ngayon, patuloy na nakikinig ang Pangulong Duterte sa saloobin ng ating health care workers at tinutugunan ang kanilang pangangailangan. Matapos ang kanilang mga pahayag noong nagdaang weekend, kagyat silang hinarap ng IATF-EID at nagpulong upang lapatan ng kongkretong solusyon ang kanilang ipinahayag.

Bilang Co-Chair ng IATF for the Management of Emerging Infectious Diseases, sinisiguro natin, na kami sa IATF ay patuloy na makikipag-ugnayan upang ang mga polisiyang aming babalangkasin ay akma sa pangangailangan nilang mga aktwal na sumusuong sa Covid19.

Ang Department of Health ay patuloy na naghahanap ng karagdagang mga nurses at health workers. Halos sampung libong posisyon ang target punan para sa agarang deployment upang madagdagan ang hanay ng mga aktibong nagtatrabaho sa iba’t ibang health institutions.

Bukod dyan, nakatutok naman ang DILG sa pagha-hire ng mga contact tracer, kung saan umaabot sa 73,000 contact tracer na ang nakatunton ng 200,000 contacts na nakasalamuha ng mga COVID-19 patients.

Sa mga isyung may kaugnayan sa Philhealth, mas mabuting hintayin na lang natin ang pahayag ng ating Pangulo. Tinitiyak kong iginagalang niya ang Senado – na bahagi ng Kongreso – bilang isang co-equal branch na kasalukuyang nag-iimbestiga sa usaping ito. Ayaw nating pangunahan ang Pangulo, ngunit maaari na siyang kumilos bago pa man matapos ang ginagawang pagsisiyasat ng Mataas na Kapulungan.

Sa usapin naman ng Kalihim ng DOH at sa mga panawagan laban sa kanya, ang paninilbihan sa gabinete ay nasa diskresyon ng ating Pangulo. Noon pa man, ito na ang batayang panuntunan: tiwala at kompyansa sa sino mang nanunungkulan.

Balik tayo sa Covid response. Sa kasalukuyan, 1.536 million tests na ang naisagawa at tugma ito sa target ng gobyerno na makapagsagawa ng 30,000 tests kada araw. Mali man ang paratang ng marami na kulang ang ating mga pasilidad, maagap ang DPWH at malapit nang buksan ang karagdagang 23 mga pasilidad na kanilang itinatayo ngayon.

Muli tayong nananawagan sa ating mga kababayan, lalung-lalo na sa mga lugar na kasalukuyang nasa MECQ gaya ng NCR, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal, na sumunod sa mga panuntunang kaakibat nito. Samahan ninyo ang inyong pamahalaan para pagtagumpayan natin ang hamon ng pandemyang.

Asahan ninyo na sa pagbangon natin sa panahon ng pandemya ay kaakibat pa rin ang tunay na malasakit para sa ganap na pagbabago, at patuloy pa rin ang pagbibigay ng lubos na atensyon, pondo, at panahon sa mga programang kailangan upang maitaas ang kalidad ng buhay sa lahat ng ating mga kababayan.

KLARO.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.