Una sa Balita

Palyadong Mahindra ni Pepito Alvarez sa palit-jeep ng DOTr

By
0 1,324

HINDI pa man nauum­pisahan ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa maanomalyang pagbili ng mga Mahindra patrol car ng Philippine National Police na nagkakahalaga ng P1.89 bilyon, tila pumasok na naman sa gusto ang pamahalaan matapos bumili rin ang Department of Transportation (DOTr) ng Mahindra e-jeepney para sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Kinumpirma ni Mishella Cruz, media relations officer ng DOTr, na may mga India-made Mahindra jeep ang idi­neploy ng kagawaran noong Hulyo 20 nga­yong taon bilang bahagi ng unang hakbang ng PUV Modernization Program na may temang “Pasada Tungo sa Maunlad na Bansa” kung saan aabot sa 150 ma­kabagong PUV ang dinispatsa sa mga operator.

Dagdag pa ni Cruz na nagkakahalaga ng P1.6 milyon kada unit ang mga nasabing e-jeepney na huhulugan ng mga tsuper.

Matatandaang na­ging kontrobersyal ang mga sasakyang Mahindra matapos na kumuha ang PNP ng aabot sa 2,054 unit ng jeep nito noong 2015 na nagkakahalaga ng P1.89 bilyon.

Ang naging problema sa pagbili nito ay walang maintenance provider ang nasabing brand ng sasakyan dito sa Pilipinas. Wala ring piyesa na mabibili dito kaya lumalabas na ‘disposable’ ang mga sasakyan na kapag nasira ay hindi na magagamit dahil hindi na makukumpuni.

Ang kaparehong problema rin ang nakikita sa pagbili ng DOTr ng mga Mahindra jeepney na kanilang ibibenta sa mga tsuper kaya inaasahan na imbes na umunlad ang buhay ng mga ito ay lalo lang umano silang mababaon sa utang dahil inaasahan na hindi pa nila tapos hulugan ang mga nasabing inutang na e-jeepney ay siguradong sira na ang mga ito.

Ang distributor sa Pilipinas ng Mahindra ay ang Columbian Motors na minamay-ari ni Palawan Gov. Jose “Pepito” Alvarez.