Una sa Balita

Palusot

0 549

Mula pa noong bata ako sa Valenzuela at Bulacan, madalas ko nang marinig ang salitang ‘palusot’. Hindi ko man silipin ang diksiyonaryo, alam kong ang malapit na ibig sabihin ng salita ay mapamaraan, o maga­ling sa paghahanap ng solusyon o katwiran at dahilan sa isang suliranin. Kaya may mga kakilala akong kung ilarawan ng iba ay magaling magpalusot.

Pero habang tumatanda ako, naiisip ko na ang kahulugan ng palusot ay nagkakaroon na ng negatibong konotasyon. Magaling magpalusot sa transaksyon sa gobyerno. Napapalusutan. Nailulusot. Nakapagpapalusot.

Alam naman na­ting ang tunay na ibig sabihin ng salitang lusot ay ang makalagpas nang ligtas sa isang mahirap malagpasang lugar o harang. Sa pangi­ngisda, nakalulusot sa malalaking butas ng lambat ang maliliit na isda. Walang lusot kung pino ang butas.

Maraming basurang hindi nakakalusot sa mga kanal at tubo kaya nagbabara ang daan. Nagbabaha kapag umuulan. Bakit kasi kung saan-saan nagtatapon ng basura ang ating mga kababayan. Wala kasing nagbabantay, walang nahuhuli. Madaling makalusot.

Maraming nagpapalusot dahil kay daling malusutan. Hindi na ito ang lagusan o daanang hindi magkakasya ang tao, ang palusot, ang isa pang kahulugan nito, ay tungkol na sa paraan ng marami sa atin na ‘magpalusot’.

Ano ang palusot? Puwedeng katwiran o alibi. Ano naman ang palusot ng isang nagtatrabahong paulit-ulit nang ang katwiran ay ma-traffic sa kanilang lugar, mahirap lumusot sa daanang barado na sa dami ng sasakyan?

Magaling lumusot ang ibang nagmomotorsiklo. Dumadaan kahit sa sidewalk para lang maiwasan ang traffic. Hindi nila alam (o alam nila, pero gagawin pa rin dahil nakakalusot naman) na para lang sa paglalakad ang sidewalk. Kapag nahuli ng traffic enforcer, maghahanap ng palusot para matakasan ang parusa.

Nakakalungkot isi­ping nasa kultura na yata natin ang sistema ng palusot. Kung makakalusot, papasukin. Kapag nahuli, iisip ng palusot. Sadyang may magaling magpalusot, mayroon din naman kasing madaling palusutan. Sila ang mada­ling maniwala sa mga palusot. Pero, at ito ang mas nakakalungkot, napapalusutan ang iba dahil sa pagbibigay ng lagay o, mas nakakatuwa at nakakalungkot ng sabay, nabibigyan ng ‘padulas’!

Magkatambal ang palusot at padulas. Kung sa literal na kahulugan, ang ayaw lumusot na bagay, lumulusot kapag nilalag­yan ng madulas na likido para makalusot o lumagpas sa kung saang mahigpit o masikip ang butas.

Karaniwan ito sa gobyerno. Mahigpit sa patakaran? Mahirap lumusot? Maraming requirement? Mayroong magaling magpalusot. Ibig sabihin, gagawa ng paraan para malagpasan ang patakaran. Kung sadyang mahirap, hahanap ng opisyal na pupuwedeng bigyan ng padulas para mapadali ang proseso.

Nasa dalawang sali­tang ito, palusot at padulas, ang isa sa dahilan kung bakit tayo ganito, hindi makaahon sa problema ng korapsyon. Kay da­ling masilaw ng ibang opisyal sa padulas, na karaniwan ay perang ibinibigay, at mayroon din namang hahanap at hahanap ng paraan makalusot lang. Ayaw sumunod sa proseso. Gustong mauna lagi. Gustong makalamang lagi.

Ang nakakalungkot, hindi lang ito sa gobyerno nangyayari. Ilan ba sa atin ang gumawa na ng paraan makatakas lang sa res­ponsibilidad? Ayaw sumunod sa proseso? Gustong makalamang sa kapwa? Gagawa ng paraan, kahit iligal, makalusot lang?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy