Una sa Balita

Paliwanag

0 593

Ngayon higit kailanman, kailangan natin ng pagpapadaloy ng mapagkakatiwalaang impormasyon.

Hindi pangkaraniwan ang pagkakataon. Wala pang nakararanas ng mga ganitong estado ng pamumuhay, ang mahati ang maraming lugar sa ilalim ng ECQ, MECQ, at GCQ. Hindi rin pangkaraniwan ang dapat nating ikilos. Bukod sa mga bawal gaya ng pagkakatipon-tipon ng mga tao, dapat nating sundin dahil para na rin ito sa ating kaligtasan. Hindi upang tanggalin lang ang ating karapatan.

Alam ko, masayahin at napakapersonal ng lapit natin sa kapwa. Masarap ang kuwentuuhan lalo’t napakatagal nating nasa loob ng kani-kanilang bahay. Sabik tayo sa mga kinasanayang kasiyahan. Pero hindi pa ito dapat mangyari. Narito pa rin sa ating paligid ang salot.

Dapat tayong kumilos na para bang muling mabilis na kakalat ang lubhang mapanganib na sakit. Dapat tayong mag-ingat. Dapat magduda. Dapat laging malinis. Dapat laging lumayo—gaano man kalapit na kaibigang matagal na hindi nakita—kapag makikipag-usap sa iba.

Hindi ko alam kung ito na ang tinatawag na bagong karaniwan o new normal. Walang makapagsasabi na matapos ang ilang linggo o buwan o taon, makakasanayan na rin natin ang pag-iwas ng pakikisalamuha sa kapwa, ang magturo sa klase nang hindi nakakaharap ang mga estudayante, ang dumalo sa pulong na screen lamang ang kausap.

Bawat araw na lumilipas buhat nang dumating ang salot ay hindi normal na araw. Kung magiging komportable tayo habang pinananatili ang kaligtasan, iyon, ganoon siguro ang new normal. Sa ngayon, ang malinaw lang sa akin ay ang kawalan ng mapanghahawakang pangkaraniwan ang siyang bagong karaniwan.

Wala na ang comfort zone. Lagi nang may pagdududa na baka mahawa tayo. O makahawa kung mayroon na pala tayong virus at asymptomatic. Ang masakit, kung ganito, baka pamilya natin ang unang makaramdam ng sintomas sa sakit na ikaw pala ang nagdala.

Nabasa ko ang panuntunan sa kung ano ang dapat ikilos ng bawat isa sa bawat kategorya ng kwarantina. Nakatala rin ang mga dapat o hindi dapat gawin. Kung hindi babasahin, baka hindi mo alam na lumalabag ka na pala.

Kaya dapat din talagang ipaliwanag ng ating pamahalaan nang buong linaw ang panuntunan. Ipaliwanag.

Ginagamit sa kahit maliit mang pagkakataon kahit pa, sa totoo lang, hindi naman talaga maliwanag ang paliwanag.

Minsan pa nga, nakapagpapalabo at nakapagpapabaluktot ang paliwanag. Lalo sa panahon ngayong malawak ang technological platform para makasagap ng kahit anong impormasyon, huwad man o hindi.

Kapag nadidiliman, kailangan ang paliwanag. Kapag komplikado, baka kailangang gawing payak, gawing simple, para mauunawaan ng marami. Upang maliwanagan ang marami. Iyan ang mismong silbi ng paliwanag. Pero minsan, sa mismong pagpapaliwanag lumalabo, dumidilim.

Hindi lang kasi paliwanag ang dapat na ikinokonsidera. Hindi lang basta napasimple. Dapat, sa pagpapaliwanag, walang binabagong detalye, dapat maaasahan pa rin ang pinanggagalingan ng impormasyon.

Hindi lamang iyong basta makapagsalita, basta makapanghalina ng tagasuporta, hindi na mahalaga. Ngayon higit kailanman, kailangan natin ng maasahang paliwanag habang naghahanap tayo ng liwanag sa dilim na dulot ng salot.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More