‘PALIT-ULO’ SA DUTERTE-ROBREDO IMPEACHMENT

By

Kailangang iatras umano ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano ang kanyang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil kung hindi ay si Vice President Leni Robredo ang patatalsikin.

Ito ang mungkahi ni Kabayan party-list Rep. Harry Roque na tila kinopya sa palit-ulong ibinunyag ni Robredo laban sa drug war ng gobyerno.

Nababahala si Roque na kapag naggantihan ng impeachment case ang supporters ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ay matetengga sa bangayan ang Kongreso sa halip na makapag-pasa ng mahahalagang batas.

“Pag hindi po inatras ni Congressman Alejano ang kanyang impeachment (laban kay Duterte), siguro po ako maiimpeach si Vice President Leni Robredo at siguradong sigurado po ako para siya’y maimpeach,” ani Roque.

Tinataya ni Roque na hindi umano aabot sa 10 congressmen  ang susuporta sa impeachment case na isinampa ni Alejano laban kay Duterte habang tiyak na halos isang daang miyembro ng PDP-Laban sa Kamara ay susuporta naman sa impeachment case laban kay Robredo.

Dahil dito, nanawagan si Roque sa magkabilang kampo na magpakahinahon at igalang ang mandato na ibinigay sa kanila ng milyun-milyong Filipino.

“Napakaaga pa po…ang impeachment case sa ganitong kaaga ay nakapa-undemocratic. Binigyan po ng mandato ng taumbayan si Presidente Duterte at VP Leni Robredo para manungkulan ng anim na taon. Respetuhin ang mandato ng parehong presidente at bise presidente,” giit ng mambabatas.


SHARE