Una sa Balita

Paligoy-ligoy ba ang Pangulo?

0 948

Tulad ng inaasahan, ginagamit ng mga dilawan ang social media para tuligsain si Pangulong Rodrigo Duterte. Para sa kanila ay hindi kanais-nais ang paligoy-ligoy na pahayag ng Pangulo ukol sa paglaganap ng COVID-19. Kalokohan. Sa pagkakakilala ko sa Presidente, hindi niya hilig gawing kumplikado ang mga bagay-bagay o magbiro tungkol sa isang seryosong bagay.

Marahil ang inaasahan nilang marinig ay mabulaklak at banayad na salita. Ngunit nang sabihin niya na “he wanted to slap the virus on the face,” ipinapahayag niya ang iniisip ng karaniwang tao na hindi katulad ng mga dilawan kung mag-isip. Gumamit ng personipikasyon ang Pangulo sa kanyang pahayag. Itinuring niya ang COVID-19 na kumakatawan sa isang tao na may masamang ginagawa kaya gusto niya itong sampalin. Ipinahayag niya ang kanyang tahasang gagawin kung ang virus ay isang tao na makakaharap niya nang personal. Sinabi niya iyon para maibsan ang takot ng mga tao.

Huwag naman nating kalimutan ang magagandang nangyayari sa bansa. Lumago ng 6% ang GNP natin ngayong taon. Tumaas ang ating investment grade ayon sa rating agencies. Ang inflation ay napigilan sa paglakas ng halaga ng piso. Ang stock market naman ay isa sa best performing in the world. Pagkatapos, dumating at kumalat ang COVID-19. Kung gaya ng Pangulo ay titingnan natin ang virus batay sa kakayahan nitong manakit at magdala ng perwisyo, hindi ba magagalit din tayo?

Bukod dito, hindi natin masisisi ang Pangulo sa kanyang pagpapakita ng labis na pagkagalit dahil sa pagkabigo natin na pigilan at labanan ang epidemya na naglalagay sa ating lahat sa panganib, kasama na ang kinaiinisan ng mga dilawan—ang mga Chinese. Ang Italy ay napakalayo sa China pero isa ito sa mga bansang may pinakamaraming biktima ng virus kung kaya’t nagdesisyon na ang kaukulang ahensya doon ng lockdown. Pati Denmark at South Korea ay lubhang naapektuhan din. Dahil sa pandemya, ang mga tao ay nag-uunahan nang dumagsa sa mga supermarket at nagpa-panic buying.

Ang mensahe na ibig iparating ng Pangulo ay ito: natural na maharap tayo sa mga pagsubok sa buhay. Hindi tayo dapat sumuko ano mang hamon ang dumating. Dapat nating ipagpatuloy ang araw-araw nating gawain. Binanggit ng Pangulo ang bubonic plague at iba pang pandemya. Samakatwid, ang gusto lamang niyang sabihin ay mapagtatagumpayan natin itong COVID-19 gaya ng paglampas natin sa iba pang pagsubok na dinaanan natin.

Sa tingin ko ang malawakang takot ay dahil sa karamihan sa mga bansang may matataas na kaso ng COVID-19 ay hindi sanay sa ganitong tipo ng problema. Pero tayong mga Pilipino ay maraming karanasan sa iba’t ibang uri ng kalamidad tulad ng bagyo, pagsabog ng bulkan, tagtuyot, at lindol. Tulad ng lalaki na taga-Salamanca, tumayo tayo pagkatapos ng ating pagkadapa at ipinagpapatuloy natin ang ating buhay. Nakasanayan na natin na tanggapin ang pagdating ng mga kalamidad na iyon. Ang bayanihan nating mga Pilipino ang nagpapatibay at nagpapatapang sa atin. Tumutulong tayo sa mga nangangailangan dahil alam natin na sa pamamagitan lamang ng pakikipagkapwa natin mararamdaman na tayo ay bahagi ng ating komunidad.

Pilipino tayo. Ang lakas at tibay ng ating loob ay galing sa ating likas na kagustuhan na magtulungan sa panahon ng pagsubok. Sama-sama nating talunin ang COVID-19.

Ang una nating dapat gawin ay alamin kung anong klaseng virus ang COVID-19.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More