Una sa Balita

Palawigin ang validity ng LTOPF, PTCFOR

0 487

Sa ibang mga bansa, kabilang ang United States, Mexico at Guatemala, ang pag-aari ng baril o firearms ay isang constitutional right. Dito sa atin sa Pilipinas, ang gun ownership ay isang pribilehiyong ibinibigay sa bawat mamamayan na makasusunod at tatalima sa mga itinakdang panuntunan, reglamento at mara­ming documentary requirements ng gobyerno. Base sa pinakahuling datos mula sa Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police (PNP), bago pa man maging batas ang Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013, may naitalang 1,650,353 re­gistered firearms sa bansa. Matapos ipatupad ang naturang batas, makikita ang pagtaas nito sa kabuoang 1,869,684 na itinuturing bilang isang achievement ngunit sa ating pananaw ay tila hindi. Bakit? Hindi naman sa tayo ay negatibo ngunit ito ay ibabase rin natin sa nakalap na datos ng parehong ahensya ng ating PNP. Base kasi sa parehong datos as of August 31 ng taong ito, kapansin-pansin ang hindi na pag-renew sa mga lisensya ng 45 percent ng 1,869,684 firearms na ito. Kung iisipin, ito ay loose firearms na may kabuoang bilang na 837,758 firearms na talaga namang napakarami. Samantalang ang total accounted loose firearms na naitala ng ating awtoridad ay may bilang lamang na 7,073 para sa parehong taon. Ito ang sagot natin sa tanong na bakit hindi achievement ang pag-implement ng RA 10591 dahil maraming gun owners ang hindi nag-renew na kanilang mga lisensya sa kabila ng posibilidad na pagkakakulong alinsunod sa Article 5 ng naturang batas, RA No. 10591.

Sabi ng iba, ‘renewal means a mountain, a mountain of documents, papers and conditions’. Sa madaling salita, ‘practicality’ ang dahilan. Kaya naman, bilang isa ring responsible gun owner, ating isinusulong ang pagpapalawig ng validity period ng mga lisensyang ito sa pamamagitan ng ating Senate Bill No. 1155 o ‘An Act Fixing the Vali­dity Period of the License to Own and Possess, Permit to Carry Outside of Residence (PTCFOR) or Place of Business and Registration of Firearms, Amending for the Purpose Sections 7 and 19 of Republic Act No. 10591, Otherwise Known as the Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013’. Una, ang pagpapalawig ng firearms registration sa limang taon mula sa dating apat na taon. Naniniwala tayong mas practical itong isabay sa pag-renew ng license to own and possess firearms (LTOPF) para isang lakaran na lang at proseso bukod pa sa mas mahabang panahon para sa gun owner na protektahan ang sarili, pag-aari at mga mahal sa buhay. Ikalawa, mas practical na isabay ang renewal ng LTOPF sa birth date kada limang taon din kasabay ng firearms registration upang masigurong hindi ito makakaligtaan at muli upang isang lakaran at proseso na lamang. At ang ikatlo, mas practical sa gun owners na gawing dalawang taon mula sa dating isang taon lang ang validity ng permit to carry firearms dahil ang mga napagbibigyan ng pribilehiyong ito ay ang mga indibidwal na may threat o banta ang buhay.

Naniniwala tayo na sa mas mahabang validity period ng LTOPF, license to own at permit to carry firearms ay maeenganyo ang ating mga gun owner upang mag-renew at panatilihing ligal ang kanilang gun ownership. Ito ay magpapanatili rin na ‘accounted’ ng PNP ang lahat ng firearms sa bansa. Ang pagpapalawig din sa vali­dity period ng registration, LTOPF at permit to carry firearms ay pagsusulong ng proteksyon at seguridad ng ating mamamayan na gumagalang at sumusunod sa ating mga batas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy