Una sa Balita

Palawan hinati sa 3 lalawigan

0 214

HINATI sa tatlong probinsya ang Palawan na isa sa kilalang tourist spot sa bansa at pinakamalapit sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea o West Philippine Sea.

Nakapaloob ito sa nilagdaang batas ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte noong Abril 5, 2019, ang Republic Act no. 11259 na naghahati sa Palawan bilang Palawan del Norte, Palawan Oriental at Palawan del Sur.

Ang Palawan del Sur ang magsisilbing mother province at manga­ngailangan ito ng plebisito para makuha ang pulso ng mga taga-Palawan kung papayag sila na mahati sa tatlong lalawigan ang Palawan.

Ang plebisito ay itinakda sa ikalawang linggo ng Mayo sa 2022 at pangangasiwaan ng Commission on Elections.

Kabilang sa mga bayan na masasakop ng Palawan de Norte ay ang Taytay na magsisilbing kapitolyo at sentro ng lokal na pamahalaan, Coron, Culion, Busuanga, Linacapan at El Nido.

Ang Palawan Oriental naman ay sasakop sa mga bayan ng Roxas na siyang magiging sentro ng Kapitolyo, Araceli, Dumaran, Cuyo, Agutaya, Magsaysay, Cayancillo at San Vicente.

Ang Palawan del Sur naman ay kapapalooban ng mga bayan ng Brooke’s Point na siyang magsisilbing kapital na bayan, Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Española, Bataraza, Balabac at Kalayaan.

Ang nilagdaang batas ng Pangulo na naghahagi sa tatlong lalawigan sa Palawan ay magiging epektibo sa loob ng 15 araw matapos na mailabas sa Official Gazette at sa pahayagan.

Ang mga incumbent congressmen ng Palawan ay magpapatuloy sa kanilang trabaho hanggang sa makapaghalal ng mga opisyal. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy