Una sa Balita

Palasyo sa publiko: Huwag mabahala sa extra power ni Duterte

0 348

Limitado lamang ang kapangyarihang ibinigay ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte sa panahon ng national emergency para lutasin ang krisis na hatid ng coronavirus disease 2019 sa bansa.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kaya wala aniyang dapat na ikabahala ang publiko at mga negosyante.

Ayon kay Panelo, may mga kondisyon at restrictions ang ibinigay na special authority sa Pangulo at ito ay magagamit lamang sa panahong nahaharap ang bansa sa matinding problema sa COVID-19.

“Hindi binibigyan ang Pangulo ng absolute na kapangyarihan sa paggamit niyan. Ayon sa Saligang Batas, limitado lamang ang kapangyarihan na maaaring ibigay sa kanya. Ang ibig sabihin, doon lamang sa panahon ng national emergency o problemang kinakaharap ngayon ng bansa,” ani Panelo.

Nauna rito nagpahayag ng agam-agam ang iba’t ibang sektor sa posibilidad na i-take over ng gobyerno ang ilang pribadong tanggapan kapag nabigyan ng special power ang Presidente.

Pero agad na kinalma ng Palasyo ang publiko at tiniyak na ang hinihiling lamang ni Pangulong Duterte ay mabigyan siya ng kapangyarihan para i-realign ang kasalukuyang pondo ng gobyerno para magamit sa pagharap sa krisis sa COVID-19.

“Walang dapat na ikabahala , ipangamba ang ating mga kababayan, mga negosyante. Ito ay kailangan lamang upang ipatupad natin, upang isalba natin ang ating mga sarili sa nakaambang kamatayan na naririto sa ating kapaligiran ngayon,”dagdag ni Panelo.

Pinagtibay sa special session ng Kongreso nitong Martes ng madaling araw ang “Bayanihan to Heal as One Act” na nagbibigay-kapangyarihan sa Pangulo para ire-align ang 2020 national budget para maharap ang krisis na hatid ng COVID-19.(Aileen Taliping)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More