Palasyo sa kondisyon ni PDU30: Naglalakad na siya… okay?

By

Sapat na ang public appearance ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado para patuna­yang maayos ang lagay ng kalusugan nito, ayon sa isang opisyal ng Malacañang.

“Ang alam po natin ay naglalakad na siya. He’s out there and he has already met with the press, he has already met with a number of people. So let’s go by that, okay?” sagot ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella nang matanong kahapon sa press briefing kung ano ang tunay na lagay ng kalusugan ng Pangulo.

Matapos magpakita sa Agusan del Norte noong Sabado, hindi na muling nakita ng publiko ang Pangulo nitong Linggo, Father’s Day, at nitong Lunes.

Matatandaan na sa ambush interview sa Pangulo noong Sabado, sinabi nitong nagpapahinga lang siya.

Binanggit din ni Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte sa Father’s Day message nito na kahit superman ang kanyang ama ay pinapayuhan pa rin niya itong magpa­hinga sa kanyang trabaho.

Lumikha ng mara­ming espekulasyon ang halos isang linggong hindi pagpapakita sa publiko ng Pangulo mula noong Hunyo 12 hanggang 16, kung saan litrato lang nito ang ipinakita ng Palasyo.

Sa kabila ng mga ipinakitang litrato, hindi nakumbinsi ang ilang mambabatas katulad ni Senador Panfilo Lacson na nagsabing may karapatan ang publiko na malaman ang estado ng kalusugan ng Pangulo.

Ibinatay ito ng mga mambabatas sa probisyon na nakasaad sa Saligang Batas.

SHARE