Una sa Balita

Palasyo, Poe sa mga NFA official: Lumayas na lang kayo!

By ,
0 1,711

PINAYUHAN ng Malacañang ang mga opisyal ng gobyerno lalo na ang mga appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte na malayang umalis sa puwesto kung inaakalang nahihirapan sa kanilang trabaho.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng hindi pagkakaintindihan umano ng mga opisyal ng National Food Authority (NFA) at National Food Council (NFC) sa isyu ng supply ng NFA rice.

Ayon kay Roque, lumitaw sa pagdinig ng Senado na hindi naman pala totoong wala nang supply ng bigas na nagdulot ng panic sa publiko.

“Panawagan sa mga taong-gobyerno lalo na sa mga itinalaga ni Presidente Duterte: Nandiyan po tayo para manilbihan sa taumbayan at kung nahihirapan po tayong manilbihan ay siguro po pupewede nang ikonsidera ang ibang karera sa pribadong sektor,” ani Roque.

Maging si Senador Grace Poe ay pinagbibitiw na rin si NFA Administrator Jason Aquino dahil malinaw aniya na hindi nito ginampanan ang kanyang tungkulin kaya’t marami ang naapektuhan lalo na ang mga mahihirap na umaasa sa murang bigas ng ahensiya.