Una sa Balita

Palasyo naalarma sa plunder case ni Duque

0 462

NAALARMA ang Malacañang sa kinakaharap na plunder case ni Health Secretary Francisco Duque kaya’t hinihintay nila ang paliwanag ng kalihim.

Ito’y matapos kasuhan si Duque ng plunder at graft dahil sa tinatanggap na buwanang P300,000 ng kanyang pamilya sa pagpapaupa ng kanilang gusali sa Dagupan City bilang tanggapan ng PhilHealth regional office.

May conflict of interest umano dito dahil si Duque ay ex-officio chairman din ng PhilHealth.

“I think Secretary Duque will—we’ll have to wait for Secretary Duque’s explanation,” saad ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Pero sinabi ng kalihim na kung pag-aari ng pamilya nina Duque ang gusali ay malinaw na hindi ito solong pag-aari ng Health secretary, at kung binitiwan na ang kanyang share ay hindi masasabing may conflict of interest.

Ang gusaling pinaupa ng pamilya ni Duque sa PhilHealth ay unang pinasabog ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Iginiit na ni Lacson ang pagbibitiw ni Duque dahil sa nasabing kontrobersya dahil hindi mawawala ang pagdududa ng taumbayan, lalo pa’t bubuhos ang malaking pondo sa implementasyon ng Universal Health Care Law.

Naniniwala naman si Duque na harassment lamang ang panibagong reklamong isinampa ng Public Attorney’s Office sa Office of the Ombudsman. (Aileen Taliping/Mia Billones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy