Una sa Balita

Palasyo makikipagtuos sa Facebook execs

By
0 822

Makikipagpulong ang mga opisyal ng Malacañang sa mga opisyal ng Facebook sa susunod na linggo para kontrahin ang kinuhang fact checkers kontra fake news.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi pabor ang Palasyo na ang Rappler at Vera Files ang magiging fact-checkers dahil sila ang nangungunang kontra sa administrasyon.

Batid aniya ng publiko na ang nabanggit na dalawang online news agency ay kritiko ng administrasyon kaya’t aasahang lahat ng gagawin ng gobyerno at maaring pagsuspetsahang fake news.

“There are meetings­ arranged and I’m sche­duled to attend two of such meetings. It is unacceptable that the fact checkers contracted by Facebook are so anti-administration. That would mean anything pro-administration would suspect as fake news. Hindi naman tama iyon,” ani Roque.

Makakasama ni Roque sa pakikipagpulong sa Facebook ang mga opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), kung saan ito ang magiging unang hakbang ng kanilang protesta.

Matatandaang inihayag ng mga opisyal ng PCOO na magpoprotesta ang Palasyo sa naging hakbang ng Facebook dahil ang mga kinuhang fact checkers ng fake news ay siya rin umanong nasa likod ng fake news laban sa Duterte administration.