Una sa Balita

Palasyo kinondena ang panggagahasa sa Pinay DH sa Kuwait airport

0 401

KINONDENA ng Malacañang ang panibagong insidente ng pang-aabuso sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Kasunod ito ng ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dinukot at hinalay ng isang Kuwaiti police ang Pinay worker noong Hunyo 4, matapos tulungang magparehistro ang biktima sa pamamagitan ng finger scanning sa airport.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi pa niya nakakausap si Pa­ngulong Rodrigo Duterte subalit tiyak aniya na hindi ito matutuwa sa sinapit ng OFW.

Hinihintay aniya ng Palasyo ang report ni Labor Secretary Silvestre Bello kaugnay sa ginawang aksiyon para tulungan ang biktima at pagtugis sa manyak na Kuwaiti police na kinilalang si Fayed Naser Hamad Alajmy.

“I have not talked to him with that. But we are certainly outraged by that and Secretary Bello is responding to that incident,” ani Pa­nelo.

Matatandaang naga­lit na noon si Pangulong Duterte sa pagkamatay ng isang OFW na isinilid sa freezer ng kanyang mga amo at ipinag-utos ang pagpapatigil sa deployment ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait.

Nagtakda rin ang Presidente ng mga panuntunan sa Kuwaiti government para masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng Pilipinong nagtatrabaho sa nabanggit na bansa. (Aileen Tali­ping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy