Una sa Balita

Palasyo kay Robredo: Kung ayaw mo, manahimik ka na lang!

0 647

Mas mabuting manahimik na lang sa pagpuna sa anti-drug campaign ng gobyerno si Vice President Leni Robredo kung hindi nito kayang tanggapin ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging drug czar sa loob ng anim na buwan.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa harap ng kawalan pa rin ng tugon sa panig ng Pangalawang Pangulo sa alok ni Pa­ngulong Duterte.

Ayon sa kalihim, kung hindi rin lang kaya ni Vice President Robredo na gawin ang paglutas sa pinupuntirya nitong kampanya kontra iligal na droga ay mas mainam na tumahimik na lang ito.

“Tumahimik na lang siya. Not to shut up, as I said, tumahimik ka na lang kung hindi mo pala kayang gawin iyong kini-criticize mo,” ani Panelo.
Pinayuhan naman ni Senate President Vicente Sotto III ang mga walang alam tungkol sa kampanya sa iligal na droga ng administrayon ni Pangulong Duterte na isara na lang ang kanilang bibig sa halip na batikusin ito.

“War on drugs is an ongoing struggle. You only fail if you stop fighting. If you don’t know this complex crime, zip it!” pahayag ni Sotto, dating chair ng Dangerous Drugs Board.

Naunang sinabi ni Sotto na maari naman italaga ni Duterte si Robredo bilang chair ng DDB o ‘di kaya’y director general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Matatandaan na matapos punahin ni Robredo ang giyera kontra droga ng administrasyon, inihayag ni Duterte na nakahanda siyang ipaubaya sa bise presidente ang kanyang law enforcement powers sa loob ng anim na buwan. (Aileen Taliping/Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More