Una sa Balita

Palasyo dedma sa mga nangamoteng manok ni Duterte

By
0 1,473

TUMANGGING magkomento ang Malacañang sa resulta ng Pulse Asia survey kung saan iisang senatoriable lamang mula sa personal choice na mga kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nakapasok sa Magic 12.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo na hindi siya sasagot sa mga tanong patungkol sa eleksyon dahil pinagbawalan silang magsalita patungkol sa mga kandidato sa darating na halalan.

Ayaw aniya nitong isipin ng mga tao na nag-eendorso siya o nagsasalita siya laban sa isang kandidato.

Bukod dito, sinabi ni Panelo na may direktiba si Pangulong Duterte sa mga gabinete at sa lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno na huwag makialam o magpakita ng suporta sa gustong mga kandidato kahit pa kamag-anak ang mga ito.

“I will not respond to any question regarding the election kasi prohibited sa amin na magkampanya o mag-endorse for or against, of a candidate, so I will decline,” ani Panelo.

Batay sa Pulse Asia survey, tanging si Bong Go lamang ang nakapasok sa Magic 12 at hindi pinalad na mapabilang ang iba pang personal choice ni Pangulong Duterte.

Nanguna sa survey si Senador Grace Poe, kasunod sina Senador Cynthia Villar, Taguig City Rep. Pia Cayetano, dating Senador Lito Lapid, Senador Nancy Binay at Senador Sonny Angara.

Pasok din sa Top 12 sina Senador Koko Pimentel, Bong Go, dating Senador Jinggoy Estrada, Mar Roxas, Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at dating ­Senador Bong Revilla.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy