Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Palasyo: COA Covid fund report mabigat! Duque pinagre-resign

0 266

Hinirit ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE) ang pagbibitiw sa puwesto ni Health Secretary Francisco Duque matapos kuwestyunin ng Commission on Audit (COA) ang palpak na pamamahala sa halos P68 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) para sa pagtugon sa pandemya ng COVID-19.

“It is apparent that the funds were mismanaged, the DOH has committed a grievous betrayal of public trust, and Secretary Duque should resign immediately for such capital sin amid a public health crisis,” ayon kay COURAGE Secretary General Manuel Baclagon.

Giit pa ni Baclagon, isang anyo ng pagtataksil sa tiwala ng bayan ang “krimen” na ginawa ni Duque habang nasa bingit ng panganib ang bansa dahil sa nakamamatay na virus.

Maging ang Senado ay nawindang sa COA report kaya’t iginiit ni Sen. Grace Poe na imbestigahan ang paggamit ng DOH sa P67.32 bilyon COVID-19 fund.

“The DOH has a lot of explaining to do. We expect the Senate investigation will help correct these deficiencies, seek accountability and ensure future funds are better managed,” ayon pa kay Poe.

Maging ang Makabayan bloc ay humirit ng agarang pagbibitiw ni Duque.

Iginit ni ACT teachers party-list Rep. France Castro, na kailangan nang lumayas sa DOH si Duque dahil umaapaw na ang kapalpakan nito partikular sa pagtugon sa pandemya at nadagdagan pa ang pagkabisto ng pagbalahura nito sa pondo ng bayan.

“Ang kapal ng mukha ni Duque para sabihin wala daw korapsiyon, ang walang katapusan ng kapalpakan ng DOH, walang maayos na programa, dapat mag-resign na itong si Duque,” giit ni Castro.

Sinabi naman ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na isang malaking kriminal na kapabayaan ang bilyong pondong binalahura ng DOH kaya’t dapat lamang umanong may mananagot dito.

Nauna nang iginiit ng Palasyo na dapat sagutin ng DOH at ipaliwanag ang COA report.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dapat linawin ng DOH kung saan ginamit ang pondong ibinigay ng gobyerno para sa pagtugon sa problema sa COVID-19.

Hindi lamang mga politiko ang nagpaparatang laban sa ahensiya at ngayon ay naglabas na rin ang COA ng kanilang audit report kaya dapat na malinawan ito sa publiko.

Samantala sa kabila ng mga kaliwa’t kanang panawagang magbitiw ito sa puwesto ay iginiit ni Duque wala itong balak na mag-resign at iginiit na punto por punto ng sasagutin ang pondong hinahanap ng COA. (Mia Billones/Eralyn Prado/Aileen Taliping/Dindo Matining/Billy Begas/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.