Una sa Balita

Palakpakan sa kababaihan

0 293

Alam ba ninyo  na hindi lang Fire Awareness o Fire Prevention Month ang Marso dahil sa buwan ding ito eh nagbibigay-pugay tayo sa kababaihan. Pero sa totoo lang, dapat ay araw-araw nating kinikilala ang kahalagahan ng mga dilag na magiging ilaw ng ating mga tahanan.

Bakit ka ninyo dapat eh araw-araw nating aalala­hanin ang kahalagahan ng kababaihan sa ating buhay, aba’y kung araw-araw na­ting iisipin iyon, araw-araw din natin silang igagalang at bibigyan sila ng halaga. Kung laging nasa kokote natin na mahalaga sila, baka hindi na papasok ang kademonyohan sa isip ng ibang kalalakihan na abusuhin ang mga babae.

Mantakin niyo, sa datos ng pulisya, tinatayang isang babae (matanda o bata) ang hinahalay sa bawat isang oras. At hinihinala na baka mas mataas pa ang aktuwal na bilang kung nagrereport ang lahat ng biktima ng pang-aabuso. Posible nga naman na may biktima na pinipili na lang na manahimik dahil sa nahihiyang maiskandalo.

Aba’y ano kayang kinakain ng mga mokong na dayukdok na kumag at naiisipang mang-abuso? Bakit hindi na lang nila kamutin ang kanilang kamote o isalpak sa donut para wala silang napeperwisyo. Ang matindi nito mga tsong, lumilitaw na karamihan sa mga biktima ng pang-aabuso ay kakilala ng biktima. Kung hindi kamag-anak, kasama sa bahay, o kaya naman ay kapitbahay o kaibigan.

Kaya ang mga magulang, huwag basta-basta ipagkakatiwala ang mga batang anak na babae. At sa mga may isip na o hustong gulang, ganundin. At laging tatandaan na kapag may nag-aya ng alak, isipin na ang nag-aya, baka may balak.

Bilang pagpupugay na rin sa kababaihan, balikan natin ang ilang Pinay na nag-ambag ng kanilang kontribusyon sa lipunan at nakagawa ng kasaysayan.

Kabilang sa kanila siyempre si Gabriela Silang (1731-1763), na kilalang kabiyak ng magi­ting na si Diego Silang. Kung uso na kaya ang love team noon na pinagsasama ang pangalan ng babae at lalaki, ano kaya ang itatawag sa kanila?

Bagaman madalas na kadikit ni Gabriela si Diego­ sa mga kuwento ng kasaysayan, dapat malaman natin na si Gabriela­ ang itinuturing na unang Pinay na namuno sa pag-aaklas sa mga mananakop na kastila. At buhay siguro siya ngayon, malamang mangunguna siya sa pagputol ng kamote ng mga manyakis.

Samantala, si Nativi­dad Almeda Lopez (1892-1977) naman ang kauna-unahang babaeng abogado dito sa atin sa Pilipinas matapos siyang makapasa sa bar exam noong 1914. At pagkaraan ng 20-taon, hinirang siyang hukom sa Maynila.

Dahil naman kay Josefa Llanes Escoda (1898-1945), nagkaroon ng Girl Scouts of the Philippines (GSP). Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon, tumulong si Escoda at kaniyang asawa sa mga Pinoy at Amerikanong sundalo na nabihag ng mga dayuhan.

Si Estefania Aldaba-Lim (1917-2006) naman ang kauna-unahang babae na naging miyembro ng Gabinete noong 1971. Pinamunuan niya ang kagawaran para sa Social Services and Development. Siya rin ang unang Pinay na clinical psychologist.

Si Geronima Tomelden-Pecson mga tsong (1895-1989) ang kauna-una­hang babaeng senadora noong 1947 senatorial election. Si Elisa Rosales-Ochoa (1897-1978) ang kauna-unahang babaeng kongresista noong 1941 election bilang kinatawan ng Agusan pro­vince. At si Carmen Planas (1914–1964), ang ating kauna-unahang Pinay city councilor noong 1937 Manila municipal board election.

Nakagawa rin ng kasaysayan si Corazon­ Cojuangco-Aquino (1933–2009), bilang kauna-unahang babae na naging pangulo ng Pilipinas matapos ang 1986 snap election na nauna sa People Power revolt.  Siya ang ina ng dati ring pangulo ng bansa na si Benigno ‘Noynoy’ Aquino III. 

Laging tandaan  na ang mga babae, iginagalang at minamahal, at hindi dapat sinasaktan.  Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy