Una sa Balita

Palakihan ng multa sa tubig

0 324

Habang namamaho ang marami nating tsokaran dahil sa kontroladong suplay ng tulo sa gripo, nagpapalakihan naman sa multa ang gobyerno at mga water concessionaire na Manila Water at Maynilad.

Pero bago tayo malunod sa halagang pinag-uusapan sa mga multa, aba’y nairaos din ang pagbubukas ng SEA Games nitong Sabado sa Philippine Arena sa Bulacan nang halos walang aberya. Mabuti na lang at walang na­pahamak sa banggaan ng bus ng mga manla­laro ng Vietnam at Laos na nagkabanggaan.

Kung may namatay kasi sa naturang insidente, tiyak na walang saysay kahit na naging maganda ang presentasyon sa seremonya. Naintriga rin ang pagsisindi ng kontrobersyal na ‘kawa’ o cauldron sa New Clark City sa Tarlac, kung saan gaganapin ang ilang kompetisyon.

Tanong ng isa nating kurimaw, bakit nga ba tinawag na ‘New Clark’ ang lugar gayung nasa Tarlac ito at wala naman sa Pampanga? Dapat bang tawaging ‘Old Clark’ na ang nasa Pampanga?

Tungkol sa cauldron na P50 milyon ang halaga, noon pa man, marami na ang nagtatanong kung bakit nasa Tarlac ito gayung sa Bulacan gaganapin ang opening ceremony ng SEA Games. Ang pagsisindi kasi ng cauldron ang simbulo ng opisyal na pagbubukas ng kompetisyon.

Kaya naman nagtataka ang marami kung papaano sisindihan ang cauldron habang nasa Bulacan ang lahat ng atletang kalahok. Pero siyempre, tikom noon ang bibig ng mga opis­yal na namamahala sa SEA Games dahil sorpresa raw.

Ang nangyari, ang mga kababayan natin na nagtungo sa New Clark City at umasang makikita nila nang personal ang pagsisindi ng cauldron at ang fireworks display ang nasorpresa. Kasi, hindi sila pinalapit sa lugar kahit marami ang nanggaling sa malala­yong lalawigan. At sa seremonya sa Bulacan, ipinakita lang sa giant screen sina Senador Manny Pacquiao at boxer na si Nesthy Petecio na sinindihan ang cauldron.

Lumilitaw na ‘pre-taped’ o hindi ‘live’ ang pagsisindi ng cauldron, na sinasabing isinagawa noong November 26. Nang kumalat nga sa social media ang mga video ng fireworks display ng nabanggit na petsa, sinasabi ng mga opisyal na ‘rehearsal’ o ‘testing’ lang daw iyon. Aba’y pati ba naman ‘yon eh nagsinungaling pa sila?

Ngayong nag-umpisa na ang labanan, abangan naman natin ang ending at sana eh manalo ang mga kababayan nating manlalaro. Mapaghandaan din sana ng mga opisyal ang posibleng perwisyong idulot ng malakas nilang kalaban — si bagyong ‘Tisoy’. Baka may kilala sila na kayang ipa-stop ang bagyo, aba’y pakiusapan na nila.

Usapang tubig na tayo, kung noong Agosto eh inatasan ng Korte Suprema ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), at mga water concessio­naire na Manila Water at Maynilad na magbayad sa gobyerno ng halos P2 bilyon dahil sa paglabag sa environmental law, aba’y walang binatbat ito sa mahigit P7 bilyon na iniutos ng internatio­nal court (Permanent Court of Arbitration) na dapat daw bayaran ng gobyerno sa Manila Water.

Ang naturang bayad ay dahil sa pagtanggi raw ng gobyerno na payagan ang naturang kompanya na magtaas ng kanilang singil na naging dahilan ng pagkalugi mula June 2015 hanggang November 2019. But wait there’s more. May nauna na ring desisyon ang naturang international tribunal noong 2017 na nag-uutos din sa gobyerno na magba­yad naman ng mahigit P3 bilyon sa Maynilad Water dahil naman sa pagkalugi bunga ng hindi rin naipatupad na rate adjustments mula March 2015 hanggang August 2016.

Ang MWSS ang dumidinig sa petisyon ng Manila Water at Maynilad kung magkano ang dapat na taas sa singil nila sa tubig. Pero may pagkakataon nga na hindi sila napagbibigyan kapag walang improvement sa kanilang serbisyo.

Ang tanong, makatwiran kaya ang desisyon ng international court kahit pa sinasabing palpak naman ang serbisyo ng Maynilad at Manila Water? Abangan natin ang susunod na kabanata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy