Una sa Balita

Palakasin pa ang K-12 Program

0 355

Tulad ng paniniwala ng ilan sa Kamara na hindi nakakamit ng programang K-12 ang mandato nito, ­pinangangambahan natin sa Senado na sa ilalim ng kasaluku­yang K-12 curriculum ay hindi natutugunan ang ilang pangangailangan ng mga mag-aaral kaya kailangan ng agarang pag-monitor, pagtutok at pag-analisa sa implementasyon nito.

Dahil dito, pangungu­nahan ng inyong ­lingkod ang isang Joint Congressional Oversight Committee sa Enero ng susunod na taon upang suriing mabuti ang programang K-12. Mahalaga ang gagawin nating pag-aaral para masigurong natutugunan nga talaga ng programa ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral, lalo na sa kahandaan nila na makapagtrabaho.

Hindi natin ­maaaring hayaan na manatili o dumami pa ang mga kakulangan at hamong kinakaharap ng nasabing programa, halimbawa na lamang ang kakulangan ng kagamitan sa mga paaralan na lubos na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante.

Habang hindi pa nawawala ang ganitong mga pagsubok sa sistema ng edukasyon sa ating bansa, kaila­ngan nating isa-isahin ang mga suliraning ito upang malutas ang ­lahat ng mga hadlang sa pagkakaroon ng maayos na implementasyon ng nasabing programa.

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, masaya kong iba­balita na P521.18 ­bilyon ang aprubadong budget para sa Department of Education o DepEd sa susunod na taon bilang bunga ng deliberasyon ng inyong lingkod at kapwa natin mga mambabatas kamakailan.

Ngayong aprubado na ang budget para sa nasabing kagawaran ay sisiguruhin po natin na ang pondong ibibigay para sa naturang programa ay ilalaan para talagang makatulong sa mga ­pangangailangan ng ating mga guro at mag-aaral at hindi maging pasanin pa sa kanilang pagtuturo, pag-aaral at pagkatuto.

Ang pangunahin nating prayoridad ay maibahagi ang kalidad ng edukasyon sa lahat ng kabataang mag-aaral at lalong maiangat ang kalagayan ng buong bansa. Alam nating lahat na ang K-12 Program ng DepEd ay naglala­yong tulungan ang ating mga kabataang Filipino na malinya sa kursong naaayon sa kanilang mga kakayahan upang maging matagumpay sa kanilang paghahanapbuhay at kinabukasan.

Kaya naman dapat gawin natin ang lahat ng nararapat upang masigurado na magiging wasto at matiwasay ang pamamalakad sa sistemang ito sa ating edukasyon hindi lamang sa paparating na taon kundi sa mga susunod pa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More