Una sa Balita

Palakasin ang boses ng mamamayan para sa kaunlaran

0 482

Napakarami na nating­ kuwentuhan tungkol sa mga proyekto ng Angat Buhay program ni VP Leni Robredo. Sa bawat Sabado nitong nakaraang tatlong taon, iba’t ibang istoryang galing sa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na komunidad ang laman ng ating usapan. 

Ang mga ito ay mula sa 176 na mga komunidad na patuloy nating tinututukan para matulungang mabago ang kanilang buhay at maiangat sila mula sa laylayan.

Sa Angat Buhay, tinututukan natin ang anim na key advocacy areas: food security and nutrition, universal healthcare, rural development, public education, women empowerment, at housing resettlement. 

Sa pamamagitan nito, nabibigyang pansin natin ang iba’t ibang panga­ngailangan ng ating mga kababayan na makakatulong para mawakasan ang kanilang kahirapan. 

At dahil hindi simpleng dole-out ang dala nating tulong, sa tuwing bibisita tayo sa mga komunidad para tingnan ang sitwasyon, sinisigurado rin nating alam nila ang kahalagahan na marinig ang kanilang boses para makatulong sa pag-unlad ng kani-kanilang mga bayan. 

Dito pumpapasok ang pakikipag-usap natin sa iba’t ibang sektor, at ang paghihikayat sa kanila na mag-organisa para maging mas malakas ang kanilang boses sa mga usapang nakatutok sa kaunlaran. 

Sabi ni VP Leni dati nang bumisita siya sa Bocaue, Bulacan: “Bakit tayo nag-oorganisa? Kasi ngayon, bawat sektor kaniya-kaniyang lakad. Ang gusto natin palakasin natin iyong grupo para iyong problema ng isa, problema ng iba, ‘di ba?”

“Kasi paminsan, kapag individual na mga organisasyon, mahina iyong boses, ‘di ba? Kapag individual iyong organisasyon, kaniya-kaniya nang problema. Sasabihin, “Wala akong pakialam kasi hindi ko naman iyan problema.” Pero kaya tayo nagkakaroon ng koalisyon para iyong problema ng isa, problema natin lahat. At sabay-sabay nating hinahanapan ng solusyon,” dagdag niya.

Sa tuwing bibisita ang Angat Buhay team, bago pa man mabuo ang isang proyekto, sinisiguradong napag-aralan na ang sitwasyon ng komunidad. Dito, kinakausap mismo ang mga residente pati na ang mga local ­government officials para malaman kung ano ang pangangailangan ng bawat isa. 

“Ang ginagawa natin ngayon, nag-paplanning tayo maghapon, ‘di ba? Nag-planning tayo maghapon, pinag-usapan natin nang sandali, pero pagdating sa opisina, isa-summarize namin lahat iyong mga sinulat niyo,” kuwento ni VP Leni.

“Itatala iyong mga suggested na mga solusyon pero uupuan ulit natin tapos sabay-sabay tayong hihingi ng tulong. Iyong mga leaders iyong pupunta sa opisina para hindi na namamasahe lahat. Iyong mga leaders,­ iyong susunod na step, ang sunod natin na assembly ipapaalam sa inyo kung ano na iyong nangyari.”

Mula sa prosesong ito bubuo ng proyekto sa pamamagitan ng Angat Buhay at sa tulong ng mga partners. Dahil sa pagsasangguni sa iba’t ibang sektor na apektado, nasisiguradong napapakinggan ang bawat hiling at hinaing, at nagiging mas sustainable ang proyekto.

“Talagang isa sa mga adbokasiya ng opisina namin iyong tinatawag na empowerment ng mga sektor,” sabi ni VP Leni.

“Bakit gusto natin empowered iyong mga sektor? Gusto natin, palakasin iyong mga sektor para ang boses ninyo mas malakas din. Palakasin ang mga sektor para iyong mga adbokasiya at adhikain ng bawat sektor, nagiging bahagi ng polisiya ng local government.“

Sa kasalukuyan, mayroon na tayong 338,426 beneficiaries mula sa iba’t ibang proyekto ng Angat Buhay. Ang mga bayan tulad ng Sorsogon, Bohol, Iloilo, Romblon, Cebu, Catanduanes at iba pa ang ilan lamang sa mga komunidad na tinulu­ngan nating palakasin ang samahan ng mga sektor—at unang hakbang pa lamang ito ng pagtulong sa kanila. 

Sa ilang taon nating nagtatrabaho sa Angat Buhay, napakasarap nang malaman na napakarami nang buhay ang nabago. Pero mas masarap marinig na ang pagbabagong ito ay dahil sa pagsisikap mismo ng mga benepisyaryo. Pagsisikap na makipagtulungan, makipag-usap, at makiisa hindi lang sa mga LGU, kung hindi pati sa iba’t ibang sektor para sa ikagaganda at ikauunlad ng bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy