Una sa Balita

Palakasin ang Alternative Learning System

0 371

Mula noon hanggang ngayon, naniniwala ang inyong lingkod na karapatan ng bawat Pilipino na mabigyan ng edukasyon — anuman ang estado sa buhay, may kapansanan man o wala, bata man o matanda, maging taga-liblib na lugar man o taga-siyudad.

Isang pamamaraan ay ang Alternative Learning System o ALS na tinatawag.

Muli nating inihain ngayong 18th Congress ang panukalang batas na ito o Senate Bill No. 740. Bilang chairman ng Se­nate Committee on Basic Education, Arts and Culture, pinangunahan natin ang nagdaang pagdinig tungkol sa kalagayan ng nasabing programa ng Department of Education (DepEd).

Sa panukalang batas na ito ay puwede nang pumasok sa isang mala-classroom setting ang mga nakatatanda, out-of-school youth, person deprived of liberty, miyembro ng cultural minorities, indi­genous people at person with disabilities o PWD. Bukod sa hirap ng buhay, ilan sa mga dahilan kung bakit hindi nakakapag-aral ang ilan nating kababayan ay dahil walang paaralan sa kanilang lugar o ‘di kaya’y nagda-dropout sa eskuwelahan.

Hindi bago ang ideya ng ALS pero hindi ito pumatok sa loob ng ilang taon. Ating nadiskubre na isa sa mga dahilan na naisasawalambahala ang ALS ay dahil sa kakula­ngan ng konkretong impormasyon at ng tamang pamantayan nito.

Nakakalungkot din na ang mga nakapasa sa mga kumukuha ng Alternative Learning System Accreditation and Equivalency (ALS A&E) Test ay naglalaro lamang sa 30 hanggang 40 porsiyento. Ibig sabihin nito, maikukumpara ang kahandaan ng mga diploma-holder ng ALS sa mga estudyanteng nagtapos ng junior high school pa lamang.

Base sa taunang budget ng DepEd noong 2017, mayroong P633 milyong halagang inilaan para sa ALS, habang bumagsak naman ito ng P533 mil­yon noong 2018. Taon-taon ay naglalaan ang gobyerno ng pondo para rito.

Hindi man kalakihan ngunit may pakinabang, kabuluhan at pinaghirapan pa rin ito ng ating mga kababayang nagbabayad ng kanilang buwis.

Inilahad ni Roderick Corpuz, supervising education program specialist ng ALS Task Force noong nagdaang hearing na mayroong 4,876 mobile school teachers ang ALS, 9,535 bilang ng mga guro, 333 full-time district house coordinators at 109 part-time district coordinators. Ibinahagi niya ang nume-rong ito upang maipakita na hindi pa rin ito sapat para mapunan ang mga pangangaila­ngan ng 623,329 estud­yanteng naka-enrol dito.

Naniniwala tayo na kung magkakaroon lamang ng maayos na istruktura ang programang ALS ay matututukan ang mga pagkukulang at mapapahusay pa ang kalidad ng sistema nito. Upang dumami pa ang mga guro, madagdagan ang pondo at mapaganda ang mga pasilidad, nangangahulugan ito na kailangang wakasan na ang paiba-ibang opisina na naaatasang mamuno ng nasabing programa, tulad na lamang ng mga pinagdaanan ng ALS.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy