Una sa Balita

Palakasan sa volleyball; MPBL gagamitin sa eleksiyon?

By
0 303

HMMM… may mga nang-iintriga na meron daw da­lawa o tatlong member nang pinangalanan ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. na bubuo para sa national women’s volleyball team na magku-compete sa 18th Asian Games ngayong Agosto sa Indonesia, na hindi daw ‘deserving?’

Since ilabas kasi ang opisyal na mga pangalan, sa pangunguna ni team captain Aby Marano at mga teammate na sina Kim Fajardo, Majoy Baron, Dawn Macandili, Kianna Dy, Cha Cruz-Behag, Jaja Santiago,­ Alyssa Valdez, Jia Morado, Mika Reyes, Frances Molina at Dindin Manabat, ay merong mga nagtataka sa ilan sa kanila kung bakit daw napasama?

Meron daw bang kakaibang palakasan na kahit ang isang player na halos taon na inactive ay big­lang napasama o ‘di kaya’y ang isang mas uunahin pang i-prioritize ang paglaro sa ibang bansa bago sa mismong national team nila and etc. etc..intriga?

Nasa reserve list naman sina Rhea Dimacula­ngan at Denden Lazaro, habang sina Myla Pablo, Mylene Paat, Maika Ortiz, CJ Rosario, Rebecca Rivera at MJ Philips ang siyang bubuo ng pool para sa magsisi­mula ngayong June 23 na Phil. SuperLiga Invitational Conference.

And yes, may tsismis na kapag merong na-ispatan mula dito na keri pang isama o ipalit sa kahit kanino na nasa 12-national pool, posible pa daw ‘yun. Weeeh, may ganun?
***

‘Di naman siguro nambobola o nanloloko si Sen. Manny Pacquiao nang sabihin nitong halos umaabot ng P10 milyon ang halaga ng championshi­p trophy ng kanyang Maharlikang Pilipinas Basketball League.

Yes, halos ganu’n daw po ang presyo ng tropeon­g mapapanalunan sa magkakampeon sa kanilang 2nd conference na tinawag na Datu Cup, na sinimulan noong Hunyo 12.

Tunay na gold na may 18 karat at tumitimbang ng halos 5 kilo ang nasabing tropeo na kapag napanalunan ng team ay mananatili sa koponang nakakuha nito. O ‘di ba, kasanla-sanla namang talaga ang pinag-uusapang tropeo?

Sey pa nga ni Manny bilang may-ari ng liga, na sa susunod na conference ay panibagong klase ng trophy naman ang makukuha ng mananalo. Hindi lang niya sinabi kung P10 milyon din ang worth nito o higit pa?
***

Pero dahil mabilis na lumaki ang bilang ng member team ng MPBL, hindi din naman imposible ‘yun noh!
Mula sa bilang na 10 nang magsimula ito earl­y this year at sa halagang 500k entry fee nito, ngayo’y meron na itong 26 teams nationwide.

Mula din sa halagang 500k entry fee, ngayo’y pumapalo na ito ng P10 milyon kapag binili. Kaya naman ‘yung ibang naunang nagtayo ng team at na-ibenta sa milyones na halaga, ay tuwang-tuwa sa pag-angat ng liga na magandang negosyo pala.

Bakit nga naman hindi, ang mga kinukuha nilang player ay magagaling at hindi ‘yung sinasabi nilang tira-tira ng ibang liga.

Meron pa ngang neophyte na champion sa colleg­e at school nila at mas piniling dito sumali kesa umakyat sa pro league.

Meron ding mga kilalang showbiz celebrity gaya ni Gerald Anderson, na hinihikayat na ma­ging member ng ganitong team.

Meron namang ibang politiko at negosyante na nasa mga LGU din na nagtayo ng kanilang sari­ling team kaya sigurado na sila na sa darating na kampanyahan sa eleksiyon, ay ‘di na nila problema ang pagkuha ng player sa ibang liga para lang mag-attract ng tao sa sorties nila.

Tsk, tsk, apektado ang ibang nasa pro league na sikat din sa ibang field gaya ng endorsement, modeling, showbiz, etc.

No wonder, na kahit sa championship trophy pa lang ay worth millions na.

***

De Mesa, Philipps ng PNP ipuputok ang 6-0

Mga laro bukas
(Pasig City Sports Center)
2:00 p.m. – GSIS vs Ombudsman
3:30 p.m. – DOJ vs AFP
5:00 p.m. – Senate vs PNP

PUNTIRYA ng Philippine National Police (PNP) Responders na sik­watin ang ikaanim nitong sunod na panalo, habang asam ng Senate Sentinels na makabawi sa kanilang paghaharap bukas, Linggo, sa 2nd UNTV Cup Executive Face-Off sa Pasig City Sports Center.

Kahit sigurado na sa kanilang semis spot, nais posasan ng Responders ang isa mga bonus sa playoffs ng liga sa pagsagupa nila kontra Sentinels, alas-singko nang hapon.

Bagama’t maganda ang naging huling laban nito kontra DOJ Boosters noong nakaraang linggo, ayaw pa rin nitong pakasiguro dahil determinado din ang Sentinels na makausad sa semis ng liga.

Aasahan na sina Joel de Mesa, Philip Gil Phillips, at Anthony Padua ang mangununa para sa PNP.
Tangan ng Sentinels ang 3-1 record sa team standing kasosyo ang Ombudsman Graftbusters at Judiciary Magis.

Ang dalawang ma­ngungunang team ay magkakaroon ng twice-to-beat advantage ka­pag nakaharap na nila ang No.3 at No.4 na koponan sa playoffs.

Tatangkain naman ng Ombudsman Graftbusters na makahirit sa GSIS Furies, alas-dos nang hapon, habang ang wala pang panalong Armed Forces of the Philippines (AFP) Cavaliers ay haharapin ang DOJ Boosters, alas-3:30 nang hapon. (­Fergus J­osue, Jr.)

****

130 entry sa Las Piñas Coliseum ngayon

DAHIL sa nakalistang 130 entry, maaga ang umpisa ng ‘Julius and Macmac One-Cock Ulutan Fastest Win’ ngayon, Sabado, Hunyo 16 sa Las Piñas Coliseum.

Tatanggap agad ng P1,000 ang unang 20 winners at P10,000 sa fastest win champ.
May entry fee na P550 at minimum bet na P3,300 sa pasabong na ito nina Macmac/Julius Canumay at Pidio Recto.

Samantala, sa Hunyo­ 27 ang ‘Silver Mallet 2-Cock Derby For A Cause’ na may entry fee na P3,300.
Ibibigay ang kita ng derby sa ‘Daddy Jessie Marquez Foundation’.

Sa detalye: 873-1040, 0929-1800960 (Grace 1), 0939-1376455 (Grace 2) at 0915-3582076 (Julius).

***

Mga kabayo ni E.V. Diokno malaki ang tsansang manalo

ITONG mga kabayo ni Edward Vincent Diokno na tatakbo sa apat na karera ngayong araw ng Sabado ay malaki ang mga panalo.

Ang una ay si Beautiful Lady sa isang Group-8 na nasa ikatlong karera na panimula ng second take all. Si Fernando M. Raquel, Jr. ang naatasan para gumabay sa kanya.

Sa isang Group-7 sa ikalimang ka­rera ay may ilalaban rin si Diokno, ang hari ng Baclaran. Ito ay si Wild Wild West na papatungan naman ni Abraham G. Avila.

At sa mga baguhang kabayo na edad tatlong taon ay naipasok rin ni Diokno si Jacqueline. Si Ernesto S. Roxas naman ang siyang trainer niya pero kay F.M. Raquel, Jr. ang hinete.

Ang pang-apat na kabayo ni Edong ay ang banderistang si Princess Ella na nakalinya sa isang Group-9 sa ikapitong karera. Si Jeffrey T. Zarate ang kanyang piloto.