Una sa Balita

Palaganapin ang edukasyon tungkol sa robotics

0 422

Ang robotics ay isang industriya na pinapatakbo ng parehong sangay ng engineering at science, kabilang na ang mechanical engineering, electronic engineering, information enginee­ring, computer science at iba pa. Kaakibat nito ang disenyo, konstruksyon, operasyon at paggamit ng mga robot at kompyuter para sa kontrol, pagtugon at pagproseso ng impormasyon.

Sa nagbabagong panahon natin ngayon, malaki ang potensyal at interes ng mga bansa pagdating sa robotics.

Sa Pilipinas pa lamang, marami nang nagaganap na robo­tics competition sa iba’t ibang paaralan. Isa na rito ang mga Valenzuelanong mag-aaral mula sa Valenzuela City School of Mathematics and Science (ValMaSci) at Nuestra Señora de Guia Academy na sumasabak sa mga math at robotics olympiad sa loob at labas ng bansa.

Higit sa lahat, lumalawak din ang mabuting epekto at kahalagahan ng nasabing industriya sa katatagan, kapayapaan, kabutihan at progreso ng mga komunidad.

Naniniwala tayo na dapat ituro ang robo­tics sa ating kabataang Pilipino upang makipagsabayan sa ibang bansa at maihanda sila sa hinaharap. Kaya naman, oras na upang makisabay na hindi lamang ang mga industriya kundi ang ating mga mag-aaral sa paglinang ng kaalaman tungkol sa robotics.

Sa pamamagitan ng sapat na edukasyon nito, nabibigyan ng oportunidad ang bawat isa na magkaroon ng kasanayan, maging produktibo sa hinaharap at makakuha ng maunlad na karera at trabaho sa larangan ng robotics.

Siyempre pa, kaila­ngan natin ang kaalaman at kahandaan ng ating mga guro na magtuturo sa bawat klasrum tungkol dito. Ilan sa ating mga panukalang batas na naaayon sa pagtuturo at pagkatuto nito ay ang ating isinusulong na Senate Bill No. 367 o The Continuing Education For Teachers Act at Senate Bill No. 369 o Equitable Access to Math and Science Education Act.

Sa Senate Bill No. 367, makatutulong ito sa ating mga guro upang madagdagan ang kanilang kaalaman, matutunan ang mga konsepto, ano at paano ituturo ang robotics at teknolohiya sa kanilang mga estudyante. Habang ang Senate Bill No. 369 naman ay daan upang matutukan at mahasa ang kahusayan ng mga estudyanteng mahilig at magaling sa matematika at siyensya.

Tulad sa ibang mga bansa, nararapat lamang na maiangkop din natin sa Pilipinas ang pagpapalaganap ng mga gawaing pabor sa pagkamit ng inobasyon, pagsusulong ng kinabukasan ng kabataan at pagpapabuti ng industriyalisasyon.

Sa patuloy na pag-a­ngat ng kamalayan at benepisyo ng industriya ng robotics sa ating lipunan, kinakailangan ng mga polisiyang pang-nasyunal na makatutugon sa pambansang kaunlaran. Dahil dito, patuloy pa natin itong pag-aaralan sa Senado upang mapalakas at masulit ang serbisyong naibibigay ng mga robot sa bawat indibidwal.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy