Una sa Balita

PAL walang puso: Naka-wheelchair pinaghintay ng 24-oras sa Toronto

By
0 1,744

ISANG senior citizen na naka-wheelchair ang pinahirapan sa paghihintay sa aksiyon ng Philippine Airlines (PAL) matapos na ma-stranded ng 24 oras sa Toronto Pearson International Airport sa Canada noong Abril 17.

Sa reklamo ni Justin Chapman, tinawagan niya ang hotline ng PAL nang malaman na mai-stranded sa airport ang kanyang biyenan na si Rosita Millante Neblasca ng higit pa sa 24-oras pero sinabihan siya ng PAL call center na wala silang magagawa.

Sabi ni Chapman, una niyang tinawagan ang PAL call center at sinabihan siyang tumawag sa airport.

Tumawag siya sa airport nang dalawang beses at sinabihan siyang kakausapin ang kanyang biyenan.

Pero, hindi naman anya kinausap ang kanyang biyenan. Ilang beses pa siyang tumawag sa PAL pero hindi man lang siya makapag-iwan ng mensahe para dito sa airport.

Si Chapman ay asawa ng anak ni Neb­lasca na si Dhyane na nagtatrabaho sa isang ospital sa Canada.

Nag-email ang Abante kay Cielo Villaluna, tagapagsalita ng airline company na pag-aari ng business tycoon na si Lucio Tan, noong Abril 22 tungkol sa isyu ng pasaherong si Neblasca pero hindi pa siya tumutugon. (Eileen Mencias)