Una sa Balita

PAL taranta sa 10 araw deadline

0 6

Natataranta na diumano ang pamunuan ng Philippine Airlines (PAL) habang papalapit ang pagtatapos ng 10 araw deadline na ibinigay sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte para bayaran ang P7.3 bilyong atraso sa gobyerno.

Kamakailan lang ay inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na naghain ng counter proposal ang PAL sa sinisingil sa kanila ng Pangulo na malaking pagkakautang sa unpaid navigational fees at iba pang bayarin.

Gayunman, ipinababalik nila ito dahil hindi katanggap-tanggap ang counter proposal ng PAL.

Nais ng PAL na magkaroon ng “amicable settlement” sa unpaid navigational charges nila na matagal na panahon nang hindi nababayaran.

Pero binigyang-diin ni Pangulong Duterte na kailangang bayaran na ito ng PAL at nagbantang ipasasara ang runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na dinaraanan ng mga eroplano ng PAL kapag hindi nakatupad sa ibinigay niyang 10 araw na palugit.