Una sa Balita

PAL sinagip ng ‘magic letter’ ni Mendoza sa SC?

By
0 1,558

Posible kayang nabaligtad umano ang desisyon ng Supreme Court (SC) sa isinampang kaso ng mga sinibak na empleyado ng Philippine Airlines (PAL) dahil sa liham ng abogado ng business tycoon na si Lucio Tan.

Sa isang resolusyon na may petsang Marso 13 na sinulat ni Associate Justice Lucas Bersamin ay binaligtad ng SC en banc ang naunang desisyon ng Special 3rd Division nito noong Oktubre 2009 na nagbigay ng “finality” sa hatol nito noong Hulyo 2008 pabor sa Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP).

Naging kontrobersiyal ang kaso matapos sumi­ngaw na sumulat diumano ang batikang abogado ng PAL na si Atty. Estelito Mendoza sa SC upang buksan muli ang kaso sa kabila ng mga nauna nang desisyon ng mga mahistrado ukol dito.

Dahil dito, pumabor umano sa PAL ang may 20 taon nang labor case na isinampa ng mga sinibak na empleyado ng kompanya.

Sa pinakahuling desisyon ng PAL, kumbinsido umano ang SC na balido ang isinagawang mass lay-off ng kompanya na pag-aari ni Tan.

Kinuwestiyon naman ito ni Associate Justice Marvic Leonen sa pagsasabing isa itong “extraordinary case”.
Hindi kasama sa deliberasyon sina Acting Chief Justice Antonio Carpio at Associate Justices Presbitero Velasco Jr., Teresita Leonardo De Castro, Mariano Del Castillo at Francis Jardelesa.