Una sa Balita

PAL manager, crew pinahiya, tinakot pa ang pasahero

By
0 2,588

MASAKLAP ang naging­ karanasan ng isang pasahero ng Philippine Airlines (PAL) na patu­ngong Amerika matapos ipahiya at kinawawa sa harap ng ibang pasahero sa loob mismo ng eroplano bago lumipad patu­ngong San Francisco.

Batay sa mahabang post sa kanyang Facebook account, sinabi ng negosyante at speaker na si Henry Wang na naganap ang insidente noong Abril 9, 2018 habang sakay siya ng PAL flight PR 114.

Humiliated and Harassed on Philippines Airlines Incident Report on Flight PR 114 from Manila to SF On April 9,…

Posted by Henry Wang on Tuesday, April 10, 2018

Maagang nagtungo si Wang noong Lunes sa airport para kausapin ang general manager ng airline na si Rey Garcia kung maaari niyang magamit ang business class flight na naunang nai-book.

Ayon kay Wang, kinakailangan nitong mag-rebook bago ang original flight dahil mayroon siyang medical emergency na may kinalaman sa kanyang slipped disc at pananakit ng likod.

Nakausap naman nito si Garcia subalit hindi nagawang maibigay ang business class booking. Gayunman inendorso siya ng manager sa front business check-in kung saan ipinaliwanag niya ang kanyang sitwasyon.

Pinagbayad lamang umano si Wang ng $200 rebooking fee at binigyan ng boarding pass kung saan nakalagay ang 31C na kanyang upuan.

Habang nasa loob na ng eroplano at naiayos na ang mga gamit ay dumating ang ground crew ng PAL at tiningnan ang kanyang boar­ding pass. Kasunod nito ay pinalilipat si Wang at ang katabing pasahero sa ibang upuan dahil mayroon umanong mag-asawa na gustong magkatabi sa upuan pero tumanggi ito.

Dalawa pang ground crew ang dumating at pilit siyang pinalilipat pero nagmatigas si Wang dahil binayaran naman niya ang kanyang booking kaya’t binantaan umano ito na aalisin sa flight.

Nakiusap si Wang kung maaari nitong makausap ang general manager na si Garcia at isa sa ground crew ang tumawag pero nalito sa pagkaintindi umano si Garcia dahil inakalang nagpilit umupo si Wang sa business class.

Dahil sa hindi pagkakaintindihan ay nagkaroon na ng eksena at sinisigawan at tinakot umano si Wang na palalabasin sa loob ng eroplano.

Dahil sa takot at matinding pagkapahiya ay sumunod na lamang si Wang para pagbigyang makaupo ng magkatabi ang mag-asawang pasahero at siya ay inilipat sa seat 41H na may mantsa pa umano ng regla ang seat cover.

Pinalitan naman aniya ang seat cover ng kanyang upuan.

Sa FB post ni Wang ay ipinakita nito ang larawan ng kanyang boarding pass, pati na ang boarding pass ng katabing pasahero na pinalipat din sa ibang upuan at ang mag-asa­wang pumalit sa kanilang upuan.

“I feel not only humiliated but also harassed. I always viewed Philippine Airlines as the pride of the Philippines and the best airline. My vision is now shattered and I do not want to make this go viral or report this to American consumer right attorneys. Looking back I wish I would have just let them throw me out or drag me out of the seat I rightfully paid for. I will not back down and I will exhaust every resource and every person I know to fight for this injustice,” sabi ni Wang sa kanyang FB post.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy