Una sa Balita

PAL-Lucio Tan, PLDT-MVP sinusuway si Duterte sa endo

0 1,967

NAGMAMATIGAS pa rin umano ang tatlong malalaking kompanya sa bansa na sumunod sa utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) na gawing re­gular ang lahat ng kanilang mga empleyado.

Sa press briefing sa Malacañang, tinukoy ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga kompanyang Jollibee na pag-aari ng bilyonaryong si Tony Tan Caktiong, Philippine Airlines (PAL) ni Lucio Tan at Philippine Long Distance Telephone (PLDT) Company ng binatang negos­yanteng si Manny V. Pangilinan na mahirap sumunod sa ipinatutupad na regularisasyon.

Sinabi ni Bello na bagama’t nagre-regular ang Jollibee, hindi pa rin sapat dahil 3,000 kada taon, mas malayo ang agwat kumpara sa SM na 10K kada taon, ang nare-regular na mga empleyado.

Nais ng DOLE na tapatan ng Jollibee ang ginagawa ng kompanya ni Henry Sy.
“In fairness, Jollibee is now regularizing, pero hindi pa ako masyadong completely happy dahil maliit ang kanilang regularization program. Sabi ko, ‘Please, up your ante.’ They’re offering to re­gularize 3,000 a year. Sabi ko kulang, ang SM kako 10,000 a year eh… baka puwede kako pantayan ninyo – they will study,” ani Bello.

Wala aniyang naging problema ang ahensiya sa Dole Phi­lippines dahil agad itong nag-regular ng kanilang mga tauhan matapos iutos ng gobyerno na itigil na ang contractualization.

Sinabi ni Bello na may problema pa rin sila sa PAL at PLDT dahil nagmamatigas ang mga ito na sumunod sa DOLE at idinaan pa sa husgado ang kanilang pagtanggi na mag-regular ng mga empleyado.

Pero sa kabila nito, kumpiyansa si Bello na mananaig pa rin ang DOLE sa bandang huli dahil kapakanan ng mga Filipinong manggagawa ang ipinaglalaban ng gobyerno laban sa mga nagmamatigas na mga pribadong kompanya.

“PAL… well of course PAL as usual is contes – is hardheaded, so with the PLDT… dinaan sa husgado, wala tayong magawa. At I’m confident na eventually, we will win the case. Oo, may mga initial victory of course,” dagdag pa ni Bello.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy