Una sa Balita

PAL-Lucio Tan namerwisyo ng 20 OFW sa Saudi Arabia

By
0 1,475

MAHIGIT 20 overseas Filipino workers (OFWs) ang tatlong araw na naistranded sa King Fahd International Airport sa Dammam, Saudi Arabia dahil sa kapalpakan ng Philippine Airlines (PAL) na minamay-ari ng bilyonaryong si Lucio Tan.

Ayon sa pasaherong si Richard Fulgosino Gaudan, nagpunta sila at iba pang OFW sa airport noong Mayo 5 para sumakay sa flight ng PAL na PR683.

Una silang sinabihan na made-delay ang flight nila ng isang oras lamang ngunit naging tatlong oras at tatlumpung minuto hanggang sa sinabihan silang kanselado na ang flight at wala man lang abiso kung ano ang mangyayari sa kanila.

Nakita sila ng mga Pinoy na nagtratrabaho sa Popeye’s food restaurant at sa pagkaawa ay binigyan sila ng pagkain pantawid gutom.

Nang inireklamo ni Gaudan sa PAL ang pangyayari, sinabihan siyang hindi mabibigyan ng hotel accommodation ang mga walang re-entry visa at naka final exit visa na dahil ‘yon daw ang regulasyon doon.

Sabi pa ng PAL sa kaniya, “You are also offered food with hot drinks to make your stay at the airport less inconvenient.”

Sabi ni Gaudan, mabuti na lang at mayroon siyang toothbrush at toothpaste sa tatlong araw niyang paninirahan sa airport sa Dammam. Kumot lang at paulit-ulit na pagkain ng matigas na cupcake ang ibinigay ng PAL sa kaniya. “Sana binigyan niyo kami ng unan para mas komportable kami sa pag-stay namin dito sa airport. Ultimo nga pagkain, delay. Eh minsan, kulang pa. ‘Di sapat sa bilang namin,” dagdag ni Gaudan.

Ang tanong ng mga kaibigan ni Gaudan, may insurance ang PAL na dapat umako ng gastusin sa nangyari sa kanila, kasama na ang accommodation. Tinanong ng Abante si PAL spokesperson Cielo Villaluna tungkol sa pangyayari ngunit dinedma lang ang isyu.