Una sa Balita

PAL-Lucio Tan humirit ng $5 security fee

By
0 398

LALO pang magmamahal ang pagsakay sa flag carrier Philippine Airlines (PAL) dahil sa inihain nilang petisyon sa Civil Aeronautics Board (CAB) para patawan ng security fee ang mga pasaherong patungo ng Estados ­Unidos.

Sa notice of hearing ng CAB na ipinalathala sa isang pahayagan noong Biyernes, nais ng kompanyang pag-aari ng bilyonaryong si Lucio Tan na patawan ng $5 security fee ang bawat pasaherong patungong Amerika. Sa exchange rate na P54.22 bawat dolyar, P271 ang gustong ikarga ng airline sa bawat pasahero.

Itinakda ng CAB ang hearing sa kanilang Conference Room sa Pasay City ngayong Oktubre 19, ganap na alas-10:00 ng umaga. Ang notice ay nilagdaan noong Oktubre 3 ng hearing officer na si Maria Elbensl Moro.

Wala pang ibinigay na rason ang PAL kung bakit sila humihirit ng security fee sa bawat pasaherong patungong US.
Sa ilalim ng Section 16 ng Republic Act 776, ang applicant ay ino­obliga na ipalathala sa broadsheet na may national circulation, ang kanilang petisyon dalawang linggo bago ang hearing.

Noong Disyembre lamang, humirit din ang PAL sa CAB ng fuel surcharge upang makabawi umano sa tumataas na presyo ng aviation fuel. Nitong Setyembre lamang inaprobahan ng CAB ang guidelines sa pagpapataw ng fuel surcharge para sa domestic at international flights.

Ang mga pasaherong magbibiyahe lang sa loob ng bansa ay papatawan ng hanggang P769, habang ang mga magbibiyahe sa abroad ay mas malaking P9,860 ang maaaring singilin.

Ang desisyon ng CAB ay sinamantala naman ng PAL at Cebu Pacific at sinimulang ikarga sa presyo ng tiket ng pasahero. Samantalang ang karibal na AirAsia, nanindigang hindi sila maniningil ng fuel surcharge sa mga pasahero.

Gustong bumawi ng PAL sa kanilang pagka­lugi noong 2017, kung saan nagkaroon sila ng net loss na P6.47 bilyon, kabaligtaran sa net income na P4.93 bilyon noong 2016.

Sinabi naman ng ilang netizen na sa paghirit ng PAL sa security fee, lalo pang nagmahal ang pagsakay sa kanilang airline pero hindi naman nagbabago ang serbisyo sa mga pasahero.