Una sa Balita

PAL-Lucio Tan, CebuPac-Gokongwei nagpasasa sa terminal fee

By
0 1,605

NALUGI umano ang administrasyong Duterte ng halos P200 milyon sa buwis simula noong 2012 matapos maki­pagkasundo ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa Philippine Airlines (PAL) ni Lucio Tan, Cebu Pacific (CebuPac) ni John Gokongwei at walo pang airline carrier sa bansa para sa koleksyon ng kanilang parte sa nasisingil na terminal fee sa mga pasahero.

Sa annual audit report ng Commission on Audit (COA), nasilip ng ahensiya na kuma­kaltas ang mga airline company ng 3.5 service fee mula sa koleksyon ng Passenger Service Charge (PSC) na mas kilala bilang terminal fee sa mga paliparan.

Natuklasan din ng COA na naniningil ng service fee ang grupo nina Tan at Gokongwei sa mga Locally Recognized Exempted Passengers (L-REP) tulad ng overseas Filipino workers (OFWs) kahit hindi naman sila sakop ng nasabing kasunduan.

Kabilang din sa grupo ng L-REP na pinagkakitaan nang labis ng PAL, Cebu Pacific at iba pang airline company ay ang mga pasaherong sanggol, flight at extra crew ng mga paliparan, mga delegadong atleta at mga opisyal ng Malacañang.

“Service fee, as it connotes, should be charged only in conside­ration of the amount collected and remitted,” paliwanag ng COA.

Sa ilalim ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng MIAA at mga airline company na binubuo ng PAL, Cebu Pacific, Air Asia, Asiana, Cathay Pacific, Emirates, Singapore Airlines, Saudia Airlines, Qatar Airways at Etihad Airways, pinayagan ang mga ito na magkaltas ng 3.5 percent bilang parte sa PSC sa mga binayarang ticket ng mga pasahero para sa mga domestic flight noong Agosto 1 2012, at international flight noong 2015.

Dahil dito, sinabi ng COA na nalugi sa ­buwis ang gobyerno ng P174.366 milyon simu­la noong 2012 hanggang 2017 dahil napunta ang kitang ito sa bulsa nina Tan, Gokong­wei at iba pang airline carrier.

Ang singil na terminal fee sa mga domestic flight ay P200 at P550 naman sa mga international flight.

“PAL, Cebu Pac have not only profited from collecting the terminal fees, they have also ma­ximized and made ­effective the use of the 15 to 31 – day holding period for the terminal fee collection by remitting the funds on the exact ­deadline set,” ayon sa COA.

Dahil dito ay napagkaitan anila ang MIAA ng pagkakataon na magkaroon ng karagdagang pondo sa kanilang operasyon o kita sa investment kung araw-araw ang remittance ng PSC.

Noong Marso 15, 2017, lumagda ng MOA ang pamunuan ng MIAA at mga airline company para tanggalin ang sinisingil na terminal fee na P550 sa lahat ng OFW na bumiyahe simula noong 2012 hanggang ngayong taon.

Inatasan din ng MIAA sina Tan, Gokongwei at iba pang may-ari ng mga air carrier na ibalik sa mga pasahero ang kanilang nakolektang terminal fees.