Una sa Balita

PAL-Lucio Tan bumara sa runway

By ,
0 338

NAGDULOT ng mala­king perhuwisyo sa Dumaguete Airport kahapon nang umaga ang isang eroplano ng Philippine Airlines (PAL) na pag-aari ng bilyonaryong si Lucio Tan matapos na sumabog ang gulong nito habang binabaybay ang runway.

Ayon kay Mark Dia­moden, wala namang nasaktan sa 130 na mga pasahero kabilang ang dalawang sanggol at anim na crew ng PAL Airbus A320 na sumabog ang gulong matapos mag-landing sa runway dakong alas-6:15 nang umaga.

Kaagad nagpalabas ng notice to airman ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil sa nakabarang eroplano sa gitna ng runway na nagdulot ng pagkaantala ng iba pang mga flight na paparating at paalis ng Dumaguete Airport.

Kinakailangang maalis ang nagkalat na mga foreign object deb­ris (FOD) sa runway bago payagan o ibalik sa normal na operasyon ang nabanggit na pali­paran.

Kabilang sa mga flight na naapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng Dumaguete Airport ay ang PAL flight PR2543; PR2544; ang Cebu Pacific flight 5J624/625; 5J626/627; 5J629/630; CEBgo flight DG 6516/6517; CEBgo 6517/6518 na pawang galing sa Manila papuntang Dumaguete.

Ayon kay Cielo Villaluna, tagapagsalita ng PAL, sumabog ang gulong ng isa nilang eroplano na biyaheng Manila-Dumaguete su­balit ligtas naman ang mga pasahero nito at maayos na naibaba.

Dagdag naman ni Villaluna na ginagawa na nila ang lahat para sa mabilisang pagtanggal sa runway ng kanilang erpolano sabay paghingi na rin ng pang-unawa sa mga apektadong flight na palapag sana sa Dumaguete Airport.