Una sa Balita

Pal, CebuPac tumiba na salot pa sa mga pasahero

By
0 774

PINAGSABIHAN kahapon ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eddie Monreal ang mga kompanya ng eroplano na harapin ang mga nagrereklamo nilang pasahero dahil sa mga kinanselang flight matapos maparalisa ng sumasad na XiamenAir passenger plane ang pangunahing runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kabilang sa inire­reklamo ng mga apek­tadong pasahero ay ang kabiguan ng ilang airline na bigyan sila ng impormasyon tungkol sa kanilang flight at alamin ang kalagayan nila habang nakatengga sa NAIA at naghihintay na makaalis.

Sa isang press conference, inihayag ni Monreal na may isang airline na hiniling pa sa mga awtoridad ng NAIA na harapin nito ang kanilang mga pasahero kung kaya umapela ito sa mga kompanya ng eroplano na huwag nang magturuan at maghanap ng ibang masisisi sa nangyari sa NAIA.

Isa si Bryan James Pitos sa nagrereklamo dahil alas-3:35 kahapon nang madaling-araw pa dapat ang flight niya sa Cebu Pacific at naka-check-in na siya pero sinabihan na kanselado na naman ang flight at itinuro siya sa 5:40am flight.

Nang magpapa-book na si Pitos, tinanggihan siya ng tao sa counter dahil hindi umano ma-book sa system ng CebuPac.

Pero nang lumipat siya ng counter, nalaman niyang puwede naman palang ma-book pero naubusan na siya ng upuan.

Nagdesisyon siyang mag-chance passenger sa flight na alas-tres nang hapon at nagtiis sa mahaba-habang pila.

Mapapawi na sana ang pagod niya nang nakapunta na sa boar­ding gate pero muli na namang kinansela ang kanyang flight.

Sabi ni Pitos, sa lahat ng dinanas niya, wala man lang pagkain o accommodation na ibinigay ang CebuPac.

Anim na oras naman ang biniyahe ng pamilya ni Estelo Quimbo mula Northern Samar papuntang Tacloban para sa CebuPac flight 5J 652 na hindi naman kasama sa listahan ng mga apek­tadong flight.

Pagdating nila sa Tacloban, nakatanggap sila ng email mula sa CebuPac na inurong ang flight nila sa Agosto 23 at hindi na Agosto 19. Tanong niya, sino ang magbabayad ng biniyahe nila o hotel nila at pagkain hanggang Agosto 23.

Sabi pa niya, may mga flight ang Philippine Airlines (PAL) kahapon pero wala ang CebuPac.

Ang overseas Filipino worker na si Alai Sa naman, nawala ang bagahe dahil hindi isinama ng PAL ang maleta niya sa eroplano na kanyang sinakyan.

Agosto 17 ng alas-6:55 nang umaga dapat ang flight niya mula Manila papuntang General Santos City. Na-rebook siya ng Agosto 18 ng alas-7:30 nang umaga pero Manila-Cotabato na.

Noong kukuhanin niya ang kaniyang bagahe, sinabihan siya ng PAL na hindi na kailangan dahil ito na ang maglilipat at sinabihan pa siya na nalipat na ang bagahe niya.

“Please pakibigay sakin mga bagahe ko. Parang awa niyo na. Pinaghirapan ko ng ilang buwan un,” sabi niya. “Dugo’t pawis pinambili ko don.”

Pero, tila walang pag-aako sa responsibilidad ang sagot ng PAL: “Thank you Alai Sa. We’ll reach out in your message earlier. We’ll do our best to help.”

Napamura naman si Roy Briones sa PAL dahil sa konsumisyon.

Biyernes dapat ang flight niya patungong Vancouver pero nang magpapa-rebook na siya, Setyembre 4 pa umano ang flight na ibibigay sa kanya.

“Dami na naabala pinagkakaperahan pa mga tao. Ang kakapal ng mukha niyo grabe!!!” sabi ni Briones sa Twitter account ng PAL.