Una sa Balita

PAL, CebuPac hagip ng Hong Kong strike

0 304

HIGIT sa 100 flight patungo at palabas ng Hong Kong ang kinansela nitong Lunes dahil sa isinagawang general strike sa special administrative region ng China.

Nabawasan umano ng 50% ang manpower ng Hong Kong International Airport (HKIA) kaya’t inabisuhan ang mga airline na magkansela ng flight.

Kabilang sa mga apektadong flight ay ang Manila-Hong Kong at Hong Kong-Manila ng Philippine Airlines (PAL), Cebu Pacific at Cathay Pacific.

Ang mga kinanselang flight ng PAL ay ang PR 306, PR307, PR318, PR319 habang sa CebuPac naman ay ang 5J11 at 5J113.

Pinakamarami naman sa Cathay Pacific na flight CX907, CX906, CX919, CX918, CX903, CX902, CX935, CX934, CX912, CX939 at CX976.

Dahil sa mga flight cancellation, napuno ng mga stranded na pasahero ang HKIA kahapon. Nabatid na umabot sa 2,300 aviation worker ang lumahok sa general strike.

Tinarget din ng mga demonstrador kahapon ang subway system ng Hong Kong kaya’t hindi makabiyahe ang mga patungong Central at Admiralty station na siyang sentro ng negosyo.

Tinatayang 4.8 milyong pasahero ang sumasakay sa subway system bawat araw.
Unang hinihiling ng mga demonstrador ang pagbasura sa extradition bill, pero kahit kinansela na ito ni Hong Kong leader Carrie Lam, nanganak naman ang demand ng mga nagpoprotesta tulad ng full withdrawal ng extradition bill, ibasura ang kaso sa mga inarestong raliyista, ipatupad ang malayang botohan ng mga lider, pagbasura sa katagang ‘riot’ sa kilos protesta at ang third party investigation sa pag-aabuso ng mga pulis. (Otto Osorio)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy