Una sa Balita

Pakialamerong Kano

By
0 420

Hindi naitago ang tahasang pakikialam ng Estados Unidos sa isang malayang bansa tulad ng Pilipinas. Ang planong pagbili ng armas mula sa Russia para sa Armed Forces of the Philippines ay pinanghimasukan ni Uncle Sam.

Ang pakikipagtulu­ngang militar ng Manila sa Moscow ay hindi raw makatutulong sa magandang relasyong mayroon ang Pilipinas at Amerika na pinanday ng mahigit isang siglong pagtutulungan. Kay sarap pakinggan.

Ayon kay Randall Schriver, US Defense Assistant Secretary for Asian and Pacific Security Affairs, ang plano ng Pilipinas na bumili ng submarine sa mga Ruso ay hindi maganda para sa pangkalahatang relasyon ng Manila at Washington.

Abante Hiring – IT dep

Si Uncle Sam talaga, pine-pressure ang gobyerno ng Pilipinas para hindi matuloy ang paghahanap ng armas para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines. Isinangkalan pa ang relasyon ng dalawang bansa, na puro pabor lamang sa Washington.

Isa lang ang gustong patunayan ng pahayag na ito ni Schriver, ang Amerika ay nanati­ling nag-iisang puwersa sa buong daigdig kaya’t nakikialam sa pagbili ng armas ng Pilipinas sa ibang bansa.

***

Patindi ng patindi ang ‘pressure’ na ginagawa ng Pentagon pagda­ting sa ‘arms purchase’ ng Pilipinas sa Russia. Bago ang pahayag na ito ni Schriver, una nang lumutang ang banta ng US State Department na papatawan ng ‘sanction’ ang anumang bansa na makikipagtransaksiyon sa mga kompanyang Ruso na may kinalaman sa armas.

Dahil hindi natinag ang administrasyong Duterte sa babala ng US State Department, pinapunta sa Pilipinas si Schriver para personal na ipaabot kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagtutol ng Pentagon.

Upang mapigil lamang ang pagbili ng armas mula sa Rusya, nagsentimiyento si Schriver at iginiit ang malalim na pagkakaibigan ng mga Filipino at Amerikano. Imbes na mapigil, ayon at nasa Moscow ngayon si Lorenzana, kasama ang ilang mga Heneral para makita ang mga ‘military hardware’ ng mga Ruso.

Bakit ng bumili ang India, Vietnam at Indonesia ng ‘submarine’ sa Russia ay hindi nag-ingay ang Pentagon o ang US State Department? Pero ang Pilipinas nagpa-plano pa lang, ginugulo na ni Uncle Sam.

***

Walang karapatan ang Estados Unidos na pigilan ang pagbili ng mga kailangang gamit para sa mga sundalong Filipino. Huwag sanang isumbat ng mga Kano ang mga ibinigay na dalawang patapon ng ‘coast guard cutter’ na ngayon ay ginagamit ng Philippine Navy.

Ibinigay ang dalawang ‘cutter’ na hindi libre. Nakinabang pa ang mga Amerikano. Imbes na tunawin na lamang sa ‘junkyard’ ang dalawang coast guard cutter inialok sa mga Filipino, naningil pa para sa tinatawag na ‘upgrade’ at ‘weapons systems’. Ganyan ang pagtingin ng gobyernong Amerikano sa mga Filipino.

Ngayong may pagkakataon ang Pilipinas na makabili ng armas na ‘brand new’ at hindi mga pinaglumaan, hinahadlangan pa ng mga Amerikano.