Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Paistaran sa kampanya

0 153

Nagpapayabangan ang kampo ng ilang kandidato sa dami ng mga tao sa kani-kanilang mga campaign rally. Pero ang tanong ng mga tropapips natin, sigurado bang botante o iboboto ng mga taong dumalo ang mga kandidato na nandoon?

Habang papalapit ang araw ng botohan, asahan nang ibubuhos ng mga kandidato ang mga magic nila sa kampanya o campaign rally, para dumami pa ang mga tao na dadalo sa kanila–lalo na sa miting de avance.

Puna ng ilang ayudanatics nating mga kurimaw, para na nga raw concert at hindi na campaign rally ang ilang nadaluhan nila sa dami ng mga artista. Pero kahit dumalo raw sila sa mga rally, hindi pa naman daw sila sure na iboboto nila ang mga kandidatong nakita nila sa pagtitipon.

Sa totoo lang mga tropapips, marami naman talaga ang nagpupunta sa mga rally lalo na kung nabalitaan nilang may mga artistang darating. Natural na interesado ang mga tao na malaman ang hitsura ng mga idol nila, pati na ang mga kandidato.

Bukod sa makikita nila ang idol nila, baka mayroon pang libreng tsibog sa rally at libreng pa-t-shirt. At kung susuwertihin, baka may mamigay pa ng sobre na may lamang na pang-“pamasahe.”

Sa hirap ng buhay ngayon, hindi natin masisisi ang mga tao na magpunta sa mga rally kung mababalitaan nila na may “mapapakinabangan” sila. Marahil ay pangalawa na lang para sa kanila ang madinig ang mga plataporma ng mga kandidato.

Bukod sa hirap ng buhay ngayon, marami rin sa mga tao ang matagal nang nababagot sa bahay. Kaya kung may puwedeng puntahan na makapaglilibang at makakapanood sila ng libreng “concert” sa mga campaign rally, aba’y tiyak na pupunta roon ang mga tao.

Para bang sa turismo na may tinatawag na “revenge travelers.” Sila yung mga tao na matagal na nabugnot sa bahay at hindi makaalis dahil sa COVID-19 pandemic. Kaya ng magkaroon ng pagkakataon na makabiyahe, aba’y nagsabay-sabay sila sa paglakwatsa.

Ganoon din marahil ang nangyayari sa mga pagtitipon ng ilang kandidato. Sangkatutak ang bitbit nilang artista at singer para panghatak ng mga tao. Pero kung sasabihin na indikasyon ang dami ng tao sa rally na sureball na iboboto ang mga kandidato na nandoon, o kaya naman eh sasabihin na sila talaga ang pinuntahan ng mga tao, aba’y malamang na malaking kasinungalingan ‘yan.

Batay na rin kasi sa naging karanasan natin at ng iba pa nating tropapips sa panahon ng kampanya, maraming kandidato ang dinagsa ng mga tao ang campaign rally pero mga natalo.

Ang dahilan lang pala ng pagpunta ng mga tao sa rally ay makakita nga ng artista at singer, makapanood ng “mini-concert,” makita ang hitsura ng mga kandidato (lalo na sa nasyunal), at maka-iskor ng kung anuman ang ipapamigay ng kandidato.

Sinasabi nga ng ilang political salsanalyst na ibang usapan ang dami ng taong dumadalo sa rally, at iba ang pagtiyak kung magiging boto ang dami ng mga taong dumalo.

Kaya nga kahit may kandidato na sinasabing dinudumog ng tao sa mga rally, pagdating naman sa mga survey ay naghahabol pa rin sila. Aba’y baka ganoon din ang mangyari pagdating sa araw ng botohan.

Ibig sabihin mga tropapips, wala sa survey at wala rin sa dami ng taong nagpupunta sa mga concert con rally ang katiyakan ng panalo ng kandidato. Malalaman lang talaga ang lahat kung sino ang panalo sa araw mismo ng halalan, at kapag binilang na ang mga boto. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”

Leave A Reply

Your email address will not be published.