Una sa Balita

PAISTARAN: PAULO, NALULUHA ‘PAG ANG ANAK KAY LJ REYES ANG TOPIC…

By
0 13

Bigla na lang namuo ang mga luha sa mga mata ni Paulo Avelino, nu’ng kaharap ko siya sa presscon ng RDL Pharmaceutical Labo­ratory, Inc., na kung saan ay siya nga ang endorser ng Papaya soap nila.

Ang topic, tungkol sa anak niyang si Aki, kay LJ Reyes. Na nag-birthday nga kamakailan, at wala siya sa tabi nito.

Hindi makapagsalita si Paulo, at tuma­likod muna siya,­ sa halip na sagutin ang tanong. Pero ‘yun na nga, hindi siya imbitado sa birthday ng anak niya kay LJ…

“Mahirap explain kasi…” sabi lang ni Paulo.

Anyway, may feeling ako na aabot sa ‘korte’ ang usaping ito, lalo na at mukhang desidido naman si Paulo na magkaroon ng ‘role’ sa kanyang anak.

Ang pangingilid ng mga luha sa kanyang mga mata kapag si Aki ang topic ay sen­yales na nasasabik na siyang makasama ang bata. Pakiramdam ko lang, sa panahon ngayon­ ay wala tala­gang magawa si Paulo­ para makasama ang kanyang anak.

Para ngang teleserye ang kuwento ng mga ganitong sitwasyon. Na tila ipi­nagdadamot ng ina ang kanyang anak sa ama nito, dahil hindi nga sila nagkatuluyan. At siyempre, maghahabol ang ama, at idadaan sa legal na proseso ang lahat.

Para bang ang ­hirap-hirap na pag-usapan na lang sa labas ng korte ang pagkakaroon ng legal na oras para makasama ng ama ang kanyang anak sa isang babae.

Pero siyempre, sino ba naman tayo para husgahan ang mga nanay, na siyang nagluwal, nagpakahirap, at patuloy na nag-aaruga sa kanilang anak, kesehodang malayo sa ­piling ng ama…

Siyanga pala, bida rin si Paulo sa Larawan: The Movie, ikinakampanya ng marami na makapasok ­sana sa MMFF 2017. Apat na pelikula na nga ang ­nakapasok, na ang mga bida ay sina Coco Martin-­Mariel de Leon, Vice Ganda-Pia Wurtzbach-Daniel Padilla,­ Jennylyn Mercado-Jericho Rosales, at Vic Sotto.

At apat na lang ang pipiliin, na sabi nga ay ibabase na sa finish product, o pelikulang tapos na at panonoorin na lang… at mukhang sa aspetong ‘yan mabibigyan ng chance ang Larawan…

“I think hindi pa naman tapos ang mga movies na pasok sa MMFF. Naniniwala ako na makakapasok ang Larawan sa MMFF, dahil maganda ang kuwento nito, script wise at story wise.

“The best of the best singers ang nasa movie, hindi na ako kasama. Pero, nandito sina Joanna Ampil and Rachel Alejandro. They have been representing our country sa ibang bansa for the longest time. So, ­sana talaga makasama kami.

“Matagal pa naman ang MMFF, basta naniniwala ako na makakapasok ang Larawan. Maganda at ­kakaiba ang movie na ito. Sa tingin ko, matagal na ring hindi nagkakaroon ng musical film sa Pilipinas. So, sana makapasok…” ­tsika ni Paulo.

Isa pa sa bonggang ­kaganapan sa career ni Paulo ay ang pagbibida niya sa GOYO: Ang Batang Hene­ral na prodyus ng TBA (Tuko, Buchi Boy, Artikulo Uno), na prodyuser din ng Heneral ­Luna ni John Arcilla, na dinirek ni Jerrold Tarog.

Hindi nga nakadalo si Paulo sa grand launch ng TBA Studios, at sa pagpapakita sa mga bagong movies ng TBA.

Pero ayon kay Paulo, 23 days na siyang nagsu-shooting out of 57 days na dapat ­niyang gawin para sa Goyo.

“Hindi siya madaling gawin, especially sa mga tao na nasa likod ng kamera. Nai-imagine ko na, at naniniwala ako na magiging magandang pelikula ito,” sey ni Paulo, na ang magiging leading lady ay si Gwen Zamora.

“Marami siyang girls…” ­nakangiting tsika ni Paulo.

Na malayo raw sa tunay na buhay, dahil siya nga raw, hanggang ngayon ay single pa rin, o wala pang balak pakasal. Hindi pa rin daw siya engaged.

“Hindi pa!”

Aba, mahaba na ang tinakbo ng pagiging single niya, ha!

“Actually the reason why I wanted to be single, ang daming kailangang ayusin sa buhay ko. Pero, ‘yun nga… Pero, ‘yun nga…”

Dating…?

“I’m in a relationship with someone now na kayang sabayan, at suportahan ako sa mga pinagdadaanan ko. Hindi siya taga-showbiz…” pag-amin ni Paulo, na ang tinutukoy nga ay si Jodie  Elizabeth Tarasek, isang Fil-Australian model.

Bago na naman?

“Bago na naman ba? Ha! Ha! Ha! Ha!” natatawang sey lang niya.
“Ang tagal ko ring naging single. Busy rin kasi nu’ng mga time na ‘yon…”

Sobrang busy nga si Paulo ngayon, at bukod nga sa dalawang pelikula na ginawa niya, ang GOYO at Larawan, nandiyan pa ang The Promise of Forever na teleserye niya sa ABS-CBN, na hindi pa rin naipalalabas, at heto nga at gagawin na rin niya ang Victims of Love, with Julia Montes.

Anyway, si Paulo nga pala ang bagong endorser o mukha ng RDL Papaya Soap ng RDL Pharmaceutical Laboratory Inc.,

Last March 2017 pa raw siya pumirma ng kontrata kina Ms. Mercedita D Lim at Mr. Robert D. Lim, na naganap pa sa birthday celebration ng RDL President/CEO na si Madam Leonora D. Lim.