Una sa Balita

Pagtutok sa kalusugan para sa kaunlaran

0 286

Makalipas ang halos anim na taon, patuloy pa rin ang mga proyekto natin para sa mga nasalanta ng Typhoon Yolanda. Dahil maliban sa imprastraktura, kalusugan ng mga naapektuhan ang kailangan ding tutukan.

Noong nakaraang Nobyembre, ikinuwento namin sa inyo ang pagsulong ng mental health programs sa San Remigio, Cebu.
Bilang isa sa mga probinsyang naapektuhan ng Typhoon Yolanda, napakaraming kababa­yan natin doon ang na-trauma matapos ang hagupit ng bagyo. Isa ito sa pinakamalaking problema na inilapit ng local government unit doon.

Kung maalala ninyo, kuwento ni ate Orleta Ursal na Municipal Health Officer ng San Remigio: “Mayroon kaming mental facility dati, pero it was very small, pang-consultation lang. We had difficulties in treating patients because there was no holding area.”

“Its vital for the progress of the community that the people are mentally and physically healthy. So not only for physically for illnesses but especially for mental health that is very vital for the progress of the community,” dagdag niya.

Kaya’t isa sa mga programa ng Angat Buhay ni VP Leni Robredo sa San Remigio ay ang pagpapatayo ng isang mental health facility para masagot ang panga­ngailangan ng mga kababayan natin doon.

Noong Nobyembre sinimulan natin ang pagtatayo ng gusali na ito. At nitong nakaraang linggo, pormal na itong binuksan para magamit ng mga nangangaila­ngang pasyente.

Ang 100-sqm na mental health facility ay mayroong apat na holding room para sa mga pasyenteng kailangang i-confine, mayroon ding apat na treatment or counselling room, isang reception area, at isang opisina.

Dahil din sa mga partner ng Angat Buhay, may mga kagamitan na rin ang facility—mga medical equipment, kama, upuan, computer, wall fan at iba pa. Dala din ng proyektong ito ni VP Leni ang mga gamot na magagamit para sa mga pasyenteng may schizophrenia, bipolar disorder, depression, pati na ang Tourette syndrome.

Kuwento ni VP Leni, “Masayang masaya po ako kasi noong pagpunta ko ng November, na-meet ko iyong isang batch ng mga pasyente ng mental health program, saka iyong mga caregivers nila. At iyong improvement, hindi lang sa health nila pero sa buhay ng pamilya nila dahil sa programa niyo ay napakalaki na.”

Ang lahat ng ito ay tutugon sa mga panga­ngailangan ng halos 200 na mental health patients sa lugar.

“So all in all, this will have an impact in the community because these patients will be able to go back to work, and the caretakers also. So mas healthy ang pamilya, mas makakacontribute sa pag-usad ng komunidad, mas makakatulong sa bayan,”­ sabi ni ate Orleta.

Sa loob lang ng ilang buwan, nabuksan natin ang pinto ng mental health facility na ito. Sa pamamagitan ng programa, hindi lang tayo nakakatulong sa pagbangon ng San Remigio—naipapakita rin natin ang kahalagahan ng kalusugan.

Kaya’t isa ito sa mga pinagtutuunan ng pansin ng programang A­ngat Buhay—dahil kung ating sasagutin ang mga problema sa kalusugan, isang hakbang na ito patungo sa pagbibigay ng magandang kinabukasan sa ating mga kababayan lalo na sa mga nasa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na bayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy