Una sa Balita

Pagtugon sa kalamidad

By
0 154

Isa raw tayong mga Filipino sa mga pinakamatatag na lahi sa buong mundo. Sa dinami-rami raw kasi ng mga sakuna at kalamidad na pinagdaanan ng ating bansa ay nagagawa pa rin nating ngumiti sa gitna ng bawat pagsubok. Nagagawa nating bumangon nang mas malakas at mas matatag. Hindi nawawala ang ating pagiging positibo at masayahin.

Sa bawat taon ay hindi yata bababa sa dalawampu ang mga bagyong dumaan sa ating bayan. At dahil nga sa climate change o pagbabago ng klima, sa pagdaan ng panahon ay tila nagiging mas malakas ang ulan at hangin na dala ng mga bagyo at habagat.

Nagagawa man na­ting bumangong muli sa bawat kalamidad, batid ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito madali para sa karamihan ng ating kababayan, lalo na para sa mga mahihirap. Mahirap mawalan ng bahay, ari-arian, at higit sa lahat, ng mahal sa buhay.

Kaya naman nais ng Pangulo para sa ating bayan ay iyong hindi na natin kailangang tumayo muli pagkatapos ng bawat sakuna; bagkus ay gusto niya na nanatili tayong nakatayo at hindi natitinag. At upang isulong ang mithiing ito, ipinag-utos na ni Pangulong Duterte ang pagbuo ng Kagawaran ng Disaster Resilience na siyang tututok sa magiging tugon ng pamahalaan pagsapit ng kalamidad.

Ang panukalang batas na ito ay batay sa lahat ng naging karanasan natin sa nagdaang mga kalamidad, kasama na ang bagyong Yolanda at gabay ang prisipyo sa pamumuno ng ating mahal na Pangulo. Kung ating maaalala, nang bayuhin ng bagyong Yolanda ang Visayas, naipakita nito kung gaano hindi ka­handa ang ating bansa para maibsan ang pinsalang dulot ng ganitong mga bagyo. Ang liderato ng noo’y kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay walang sentralisadong mekanismo patungkol sa komunikasyon. Dulot nito ay ang kalituhan kung sino ang gagawa ng mga bagay-bagay nang sumalanta na ang bagyong Yolanda.

Dahil sa nangyaring ito, nilalayon ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi na muling mangyari ang ganitong mga sakuna. Sinabi niya na kailangan nating matuto sa ating mga naging karanasan sa bagyong Yolanda at iba pang mga kalamidad, kasama na ang mga pinakamagandang kasanayan mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Kailangan natin ng isang kagawaran na may pagkakaisa at pokus sa sa mga kalamidad at sakuna, at may kakaya­han na mamuno sa tuwing may pagsubok.

Sinabi rin ni Pangulong Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong nakaraang buwan na upang mapangalagaan ang kasalukuyang heneras­yon at mga darating pa sa hinaharap, kailangan nating maghanda at magsagawa ng mga inisyatibo na siyang magbabawas sa panganib natin sa mga sakuna.

Hindi tulad ng mga ahensiya sa kasalukuyan, ang Kagawaran sa Disaster Resilience ay tututok lamang sa mga kalamidad, kasama na ang lindol at pagsabog ng mga bulkan; bagyo, baha, at pag-ulan; at mga pagbabago sa klima, kabilang ang El Niño at La Niña.

Layunin din ng panukalang batas na ito na bumuo ng isang pambansang operations center para sa mga sakuna at mga alternatibong command at control center upang magbantay, magtala, mamahala, at tumugon sa mga kalamidad sa lahat ng sulok ng bansa.

Kapag ito ay naging batas na, magiging mahalagang hakbang ito tungo sa pagkakaroon ng mga ligtas na komunidad na siyang magliligtas ng libo-libong buhay at pag-aari. Kapag ito ay natupad, darating ang panahon na hindi na tayo matatakot sa anumang kalamidad na ating haharapin.