Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagtugmain ang edukasyon at trabaho

0 74

Noong kalihim pa tayo ng TESDA, batid na nating hindi trabaho ang kulang sa bansa kundi mga graduate na swak sa trabaho.

Ito po ang dahilan kung bakit ipinagpatuloy natin ang misyong iangat ang kalidad ng edukasyon at training para makalikha ng mas magagandang trabaho.

Isa po sa mga paraang nahanap natin bilang inyong Empleyado sa Senado ay ang “Philippine Competencies Competitiveness Program” o sa mas simpleng salita ay ang Tulong Trabaho Law na naisabatas natin bago ang pandemya.

Pinondohan po natin ito ng ₱1-bilyong piso para sa 42,000 mga unemployed at employed beneficiary at ipinaglalaban ang ₱1.5-bilyong piso para rito sa susunod na taon, 2022.

Nitong nakaraang Marso, naglabas ng panibagong pag-aaral ang Asian Development Bank (ADB) na pinamagatang “TVET in the Philippines in the Age of Industry 4.0”. Ayon sa pag-aaral, hindi raw po tugma ang skills at ang mga trabahong in demand ngayon sa labor market.

Bukod sa over-qualified o under-qualified ang mga Pilipino, napag-alaman din ng ADB na karamihan sa mga training program o kurso kung saan graduate ang ating mga kababayan ay hindi swak sa trabaho. Kadalasan ay hindi raw po tugma ang skills ng ating mga kababayan sa pangangailangan ng mga industriyang malapit sa mga lugar kung saan sila naninirahan.

Bagamat mas mataas ang “matching rate” o ang pagkakatugma ng skills sa mga trabahong technical at manual, mababa naman sa mga trabahong nag-re-require ng mas mataas na antas ng kaalaman.

Sinusuportahan po ng pag-aaral ng ADB ang matagal nang pinapanawagan ng inyong TESDAMAN sa Senado – bigyang pansin ang mga higher level qualification at mag-invest sa digital technology para makasabay ang ating mga manggagawa sa “Industry 4.0” o ang malawakang paggamit ng digital technology sa ating mga industriya.

Solusyon po ang inakda nating “Tulong Trabaho Act” dahil binabago nito ang nakagawiang paggawa ng mga training program ng ating mga eskwelahan. Binibigyan ng pagkakataon ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs na gumawa ng sarili nilang training program batay sa pangangailangan ng kanilang negosyo.

Kapag naaprubahan ng TESDA Board ang kanilang training program, mabibigyan sila ng pondo para sa upskilling ng kanilang manggagawa o para i-train ang mga unemployed na maaaring ma-recruit ng kanilang kumpanya.

Bukod po sa Tulong Trabaho Act, naisabatas na rin po natin ang Philippine Qualifications Framework (PQF) Act na isang malaking reporma sa sistema ng edukasyon at training sa bansa.

Dahil sa PQF, tiyak na mas mae-engganyo ang mga Pilipinong iangat ang kanilang kwalipikasyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapaunlad ng kasanayan sa loob at labas ng paaralan at kung saan mabibigyan ng karampatang halaga ang kanilang mga work experience sa pamamagitan ng Philippine Credit Transfer System na naka-base rin sa ating PQF Law.

Bagamat nakapagsulong na tayo ng dalawang malalaking mga batas para solusyonan ang job-skills mismatch, ang Tulong Trabaho Act at PQF Act, hindi pa po tapos ang laban lalo na’t nakabinbin pa rin sa Kongreso at Senado ang ipinapanukala nating Enterprise-Based Training (EBT) Bill.

Isa po ito sa mga dahilan kung bakit tuloy ang misyon at trabaho ng inyong TESDAMAN para palawigin ang internship o apprenticeship system sa pamamagitan ng EBT Bill kung saan sa mismong kumpanya gagawin ang training para siguruhing swak ang skills sa trabaho.

Trabaho ang lagi nating trabaho kaya sama-sama at tulong-tulong po nating pagtugmain ang edukasyon at trabaho ng mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.