Una sa Balita

Pagtatraydor at pagbebenta ng West PH sea

0 724

Habang tumatagal ay mas nakikita nating walang balak ang kasalukuyang administrasyon na makinig sa panawagang idepensa ang ating teritoryo sa WPS. Bagkus, ang nakikita natin ngayon ay ang pagbebenta ng ating mga teritoryo sa China.

Maliwanag ang banta sa ating pambansang seguridad – ang patuloy na agresyon at militarisasyon ng China sa WPS. Kung mayroong kinatatakutan ang mga Filipino, ito iyon at hindi ang European Union (EU) na tumutuligsa sa mga patayan sa ng giyera kontra iligal na droga ng admi­nistrasyong Duterte.

Sa kabila ng banta sa ating pambansang seguridad, nananatiling bulag, pipi at ang bingi ang administrasyong Duterte. Hinahayaan lamang nito ang China na patuloy na labagin ang soberanya ng Pilipinas. Patunay dito ang paglabag ng dalawang military transport planes sa Pa­nganiban reef o Mischief reef na isang indikasyon ng patuloy na militarisasyon ng China sa loob mismo ng ating teritoryo.

Hanggang ngayon ay walang diplomatic protest na ihinain ang Pilipinas laban sa China sa kabila ng marami nang paglabag sa ating soberanya at mga international laws.

Samantala, ang mga kasapi ng EU, United Nations, at iba’t ibang human rights groups na ginigiit lamang na magkaroon ng due process sa giyera kontra iligal na droga ay kanilang pinade-deport, inaaresto o pinagbabantaang aarestuhin kapag tumuntong sa Pilipinas, partikular na ang mga imbestigador ng International Criminal Court.

Ang hindi pagkilos ng administrasyong Duterte sa sitwasyon sa WPS ay matuturing na pagsuko na sa ating mga teritoryo na mahalaga. Sang-ayon ako kay si Justice Antonio Carpio na kapag tuluyang mawala sa Pilipinas ang WPS, hindi na ito mababawi ng mga susunod na henerasyon. Kung magkaroon man ng oportunidad na mabawi ito, napakahirap nang maibalik pa sa Pilipinas ang kontrol sa WPS.

Ano ang implikasyon nito? Hindi na mapapakinabangan ng susunod na henerasyon ang mga yaman ng WPS na mga Filipino sana ang makikinabang. Ito ang pangmatagalang kapalit ng mga desisyon ni Pangulong Duterte at ang hindi nito pagganap sa kaniyang sinumpaang tungkulin na ipagtatanggol ang teritoryo ng Pilipinas.

Pagkakataon sana ito ng administasyon, lalo na si Pangulong Duterte at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na maging “bayani” dahil “ipinagtanggol nila ang teritoryo ng Pilipinas laban sa China”. Ngunit sa inaasta ng administrasyong ito, malalagay sila sa kasaysayan na dahilan kung bakit naagaw ng China ang mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS.

Iiwan ko na sa susunod na henerasyon kung ano ang itatawag nila kay Duterte at Ca­yetano pagdating ng panahon sakaling hindi na mabawi o mapaalis ang China sa ating mga teritoryo.