Una sa Balita

Pagtatayo ng dagdag na bilangguan dapat madaliin – Legarda

By
0 1,466

HINIKAYAT ni Senadora Loren Legarda ang Bureau of Jail Ma­nagement and Peno­logy (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor) na bilisan na ang konstruksiyon at pagsasaayos ng mga bilangguan.

Ito ay sa gitna ng impormasyon na may mga bilanggong namamatay sa tindi ng siksikan at init bunsod ng pagdami ng mga preso dahil sa pinaigting na kampanya laban sa droga.

Binigyan-diin ng chairman ng Senate Committee on Finance na may pondo na ang dalawang ahensiya taon-taon para unti-unting makapagpatayo at makapagpaayos ng mga bilangguan.

“Jail congestion has long been a problem in our correctional system and we are trying to address this through the annual budget,” saad ni Legarda.

“The Bureau of Corrections under the DOJ and the Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) under the DILG should ensure that we have enough facilities for prisoners, inclu­ding expected number of additional inmates, and that there is enough budget for their meals and me­dicines,” dagdag ng mambabatas.

Inihayag nito na ngayong 2018, nasa P2.019 bilyon ang operational budget ng BuCor para sa anim na kulungan na nasa Sablayan sa Occidental Mindoro; Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan; San Ramon sa Zamboanga City; Abu­yog sa Southern Leyte; Panabo City sa Davao del Norte; at Laur sa Nueva Ecija.

Ang P1.73 bilyon naman ay para sa custody at safekeeping program sa mga preso.

Bukod dito, may P13.5 bilyon ang BJMP para sa pagpapanatili ng ligtas at makataong bilangguan sa mga district, city at municipal jails.

Ayon kay Legarda, kailangang madaliin ang mga bagong kulungan kasabay ng mabilisang pagdinig ng kaso ng mga bilanggo upang mapaluwag ang mga kulungan.