Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagtatapos at pagpapatuloy

0 94

Binago ng pandemya ang nakasanayan nating paraan ng pormal na pag-aaral. Kung dati, itinuturing na masama ang pagbababad ng estudyante sa harap ng monitor ng gadget, nitong huling dalawang taon, ito ang bagong pangkaraniwan.

Ilang oras nga ba humaharap ang mga anak ko sa laptoppara mag-aral? Ako naman bilang propesor, halos buong oras na gising ang diwa ako, nakatutok din sa kompyuter, kung hindi man sa telepono para malaman kung may email o isyu na dapat tugunan. Sa harap ng kompyuter ako nagtuturo, doon ko binabasa ang mga isinumiteng papel at proyekto ng aking mga mag-aaral sa kolehiyo.

Sa kahabaan ng pandemya, hindi ko nagawang makita ang mga mag-aaral ko nang personal. Kung hindi pa sana sila magtatapos sa Hunyo, baka nga hindi na.

Kung hindi lalala ang sitwasyon, sa isang araw sa Hunyo ay muli kong makikita ang mga mag-aaral ko. Magkakaroon kasi kami ng limitadong face-to-facecommencement exercises sa unibersidad. Mahigpit ang ipatutupad na protocol kaya ang nakasanayang malakihang pagtitipon bago magpandemya ay gagawin ngayon nang maraming beses.

Kung dati ay isang maghapon ang pagtatapos, sa pagkakataong ito, hahatiin sa ilang araw upang malimitahan ang mga dadalong mag-aaral at magulang.

Magtatapos ang aking mag-aaral na ang mahigit dalawang taon ng kanilang pag-aaral ay ginugol sa harap ng kompyuter at iba pang gadget. Tama lamang na sa magandang kampus gugulin ang huling sandali ng kanilang pagiging mag-aaral na magawawakas sa kanilang pagtatapos.

Malinaw naman sa lahat na ang pagtatapos na tinutukoy ko ay pagtatapos ng panibagong yugto ng kanilang buhay. Wika nga, wala namang katapusan talaga ang matuto kung gugustuhin ng kahit sino. Mag-aaral tayo lagi. Nag-aaral tayo lagi. At dapat laging may natututuhan.

May mga mag-aaral akong hindi pa man pormal na nakatatapos sa yugtong ito ng pag-aaral ay nagpaplano na na mag-aral uli. Panibagong kurso na kailangang tapusin. Bagamat mas marami ang magtratrabaho o magnenegosyo muna, maraming magsisimula pero ang totoo, pagkatapos ng pagtatapos, marami ang magpapatuloy.

Kaya sa unibersidad namin, gaya ng marami ring paaralan, hindi tinatawag na ‘graduation’ ang pagtatapos. Tinatawag na ‘commencement’ o sa Tagalog, pagpapatuloy. Dahil sabi ko nga, hindi ba matapos ang isang yugto ng buhay, magpapatuloy lang lahat?

Hindi magtatapos lalo na ang pagkatuto. Lagi nang may bago. Lagi nang may leksyon ang nangyayari sa atin. Lagi nang may dapat tayong matutuhan.

Marami sa matututuhan natin ay walang katumbas na diploma o marka, maaaring walang enrollment na nangyari, walang guro, walang kaklase pero tiyak na makakatulong sa iyong pagkatao habang nagpapatuloy mabuhay. Kaya sinasabing may pinag-aralan ang isang tao dahil isinasabuhay niya ang mga natutuhan mula sa paaralan at lipunan. Daig nito ang basta nakatapos lang.

Patuloy tayong mag-aral, patuloy na matuto, patuloy na gumabay sa nagnanais matuto mula sa atin.

Ngayon pa lamang, binabati ko na ang aking mga mag-aaral at iba pang mag-aaral na magtatapos at magpapatuloy.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadalang mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.